KAHIT nabigo sa kanyang unang laban, ipinakita ni Eduardo Berco III ang tatag at determinasyon matapos makabawi at muntik nang makasampa sa podium sa junior male kumite -61kg division ng Karate One-Youth League na inihandog ng Philippine Sports Commission sa SM Mall of Asia Arena kahapon.
Tinanggap ni Berco ang 1-7 pagkatalo kontra kay Maksym Viechikanov ng Ukraine sa unang round, kung saan umabot pa ito hanggang finals ng naturang weight class dahilan upang bumaba sa repechage round ang Pinoy karateka.
Hindi sumuko ang pambato ng General Santos City at sinikap nitong maihatid sa bansa ang unang medalya sa torneo na suportado ng SM Group of Companies at Philippine Olympic Committee.
Kinailangan ni Berco ng tatlong sunod na panalo upang masungkit ang bronze medal sa repechage. Una niyang dinaig si Logan Morrison ng Scotland sa iskor na 7-1 bago pinatahimik si Mwtt Witharana, 3-1. Ngunit sa ikatlong laban ay kinapos siya ng lakas at yumuko 1-5 kay Hang Lao Cheok ng Macau.
Sa kabila nito, si Berco pa rin ang may pinakamataas na naitalang puwesto sa mga lokal na kalahok makaraang tumapos sa ikapitong puwesto ng kanyang dibisyon sa kompetisyong suportado rin ng Lanson Place, Citadines Bay City Manila at Milo.
Samantala, maaga ring natapos ang kampanya ni Rei Alec Servan matapos malaglag sa dikit na 1-2 desisyon kontra kay Lucy Choi-Lawrence ng Australia sa quarterfinals ng junior female -53kg division ng torneo na aprubado ng World Karate Federation at inorganisa ng Karate Pilipinas Sports Federation, Inc..
Tabla sa 1-1 ang laban sa mga huling segundo ng dalawang minutong sagupaan nang makalusot ng suntok sa mukha ng Filipina karateka ang Australiano upang maselyuhan ang panalo at makapasok sa semifinals.
Hindi rin umabot sa semifinals sina Zian Alexander Sing sa junior male kumite -61kg division at Kevin Llup sa junior male kumite -55kg division.
Matapos makakuha ng bye sa opening round, dinomina ni Sing si Awanku Ahmad Izz Aiman ng Brunei sa iskor na 5-0, tampok ang malinis na sipa sa ulo sa dulo ng laban na nagbigay sa kanya ng tatlong puntos.
Gayunman, nabigo si Sing, na gold medalist sa 4th Shureido International Karate Cup sa Jakarta noong nakaraang taon, matapos yumuko 1-3 kay Sukrob Sadullayev ng Ukraine sa semifinals.
Sa all-Filipino duel, nanaig si Llup via referee’s decision laban kay Bernardo Fresco matapos magtabla nang walang puntos sa second round.
Subalit sa quarterfinals ay hindi kinaya ni Llup si Abdulrahman Arafat ng Saudi Arabia, na nagtala ng kumbinsidong 14-4 panalo upang makausad sa semifinals. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com