SIPAT
ni Mat Vicencio
PARANG wala na sa ‘hulog’ si Senator Imee Marcos alyas Babanocchio dahil kung ano-ano na ang pinagsasabi kahit wala namang pinanghahawakang katibayan at lumalabas na naghahasik ng fake news lalo na sa nangyaring kaguluhan sa Senado.
Pero bakit nga ba muna tinawag na Babanocchio si Imee? Kung si Pinocchio kasi humahaba ang ilong kapag nagsisinungaling, si Imee naman, tila ang baba ang humahaba kapag hindi nagsasabi ng katotohahanan.
Pansinin ang kasinungalingang pahayag kamakailan ni Imee Babanocchio… “Pero ang sabi ng NBI agent, inutusan daw sila personally and directly ni BBM, arrest Bato at all cost, kahit sino pa ang mamatay, kahit sino pa ang madale, basta pasukuin si Bato ngayon din!”
Si Pangulong Bongbong Marcos, magsasabing “kahit sino pa ang mamatay?” Obvious na fake news dahil wala namang resibong maipakita si Imee Babanocchio at sinopla na rin siya ni NBI Director Melvin Matibag sa kanyang maling pahayag.
Ayon kay Matibag, malinaw ang direktiba ni Bongbong na walang pag-arestong gagawin bilang paggalang sa proseso ng Korte Suprema kaugnay sa hinihinging TRO ni Senator Bato Dela Rosa.
“Sino po kaya ‘yung NBI agent na titutukoy ni Imee? Hindi ko alam kung saan nanggagaling si Imee!” paglilinaw ni Matibag.
Bago pa man pumutok ang eskandalo sa Senado, binulabog din ni Imee Babanocchio ang House of Representatives sa pagsasabing merong ‘incentive package’ na tinanggap ang mga kongresista kapalit ng boto para ma-impeach si Vice President Sara Duterte.
Dahil sa iresponsableng pahayag, hinamon ng mga kongresista si Imee Babanocchio na magpakita ng ebidensiya, magsampa ng kaso at pangalanan kung sino-sino ang mga nasuhulan at kung sino ang taong nag-alok ng suhol.
Pero dedma, walang maipakitang pruweba si Imee Babanocchio!
At sino rin ba ang makalilimot sa fake news na ipinakalat ni Imee Babanocchio nang sabihin nitong ang kanyang kapatid na si Bongbong ay meron daw sakit at labas-pasok na rin sa ospital.
Mabilis na sinupalpal ni Palace press officer Claire Castro si Imee Babanocchio at sinabing ang mga pahayag ng senadora tungkol sa kalusugan ni Bongbong ay walang katotohanan.
Kaya nga ingat, dahil sa 10 sasabihin ni Imee Babanocchio, 11 tiyak ang hindi totoo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com