Wednesday , June 10 2026
Migz Zubiri JV Ejercito

Sa kudeta sa Senado
Abstain votes ng 2 senador may ‘hidden agenda’ — netizens             

SINILIP ng netizens ang ‘hidden agenda’ sa botong abstain ng mga senador na sina Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito sa pagpapalit ng liderato ng senado nitong nakaraang Lunes, 11 Mayo 2026.

                Ito ay matapos umugong ang balitang papalitan umano ni Zubiri si bagong Senate President Alan Peter Cayetano at kukuha ng suporta mula sa miyembro ng mayorya at minorya. 

Umani ng batikos sa publiko ang mga usapang gaya nito dahil sa kanilang paniniwalang ito ay kawalan ng paninindigan at pagiging segurista ng dalawa para sa kanilang sariling interes.

Matatandaan, sa sorpresang rigodon sa senado ay pinalitan ni Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa botong 13-9-2.

Ang 13 boto ay pabor kay Cayetano samantala siyam para kay Sotto at ‘yung dalawa ay abstain na boto nina Zubiri at Ejercito na sinasabing ‘third bloc’.

Ipinagtataka ng publiko imbes pumili sina Zubiri at Ejercito sa dalawa ay pinili pang walang iboto gayong si Zubiri ay tumatayong Senate Majority Leader sa ilalim ng liderato ni Sotto at si Zubiri ay Deputy Majority Leader naman na pawang parehong kasama ng dating mayorya.

Magugunitang noong si Zubiri ay ‘napatalsik’ sa senado at pinalitan ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero noong Mayo 2024 ay naiyak siya at naging bahagi ng minorya at sa huli ay nangalap sila ng boto upang iupo si Sotto.

Katuwiran ni Zubiri sa kanyang pag-iyak noon sa  mismong plenaryo ng Senado matapos siyang mapatalsik sa puwesto ay dahil ginawa niyang protektahan at ipaglaban ang “independence” ng Senado laban sa utos at dikta ng mga puwersa sa labas.

Ayon kay kilalang political scientist na si Cleve Arguelles sa isang panayam ng programang Ted Failon and DJ Chacha sa 105.9 True FM, tahasan niyang sinabi na ang hakbangin ng dalawa ay  ‘disappointing’ o nakadedesmaya.

Itinuturing ni Arguelles na ang pag-iwas ng dalawang beteranong mambabatas na magpahayag ng panig ay nagpapakita ng hindi magandang indikasyon sa pananagutan bilang mga lider ng bansa.

Binigyang-diin ni Arguellles, ang pag-atras ng mga mambabatas sa panahon ng malalaking pagbabago sa institusyon ay nag-iiwan ng malaking tanong sa mga botante kung nasaan nga ba ang tunay na prinsipyo ng kanilang mga inihalal na kinatawan kapag dumarating ang mga kritikal na pagdedesisyon.

Kaugnay nito sinabi Atty. Ruphil Fernandez Bañoc  sa  programang Straight to the Point sa DYHP RMN Cebu, ang pagpili ng liderato sa Senado ay usaping konstitusyonal na hindi dapat tumatayong ‘safe play’ sa kanilang posisyon.

“Hindi puwedeng nagpapaka-neutral lang. Ang pagboto sa pinuno ng Senado ay isang pangunahing tungkulin na nangangailangan ng paninindigan at hayagang tindig sa harap ng taong-bayan,” ani Bañoc.

Mapapansin sa mga komento at talakayan sa social media at iba’t ibang platform ang paghahayag ng galit ng libo-libong taxpayers.

Batay sa mga reaksiyon, ang pagtatatag ng tinatawag na ‘third bloc’ ay hindi isang marangal na posisyon kundi isang estratehiya para sa sariling  ‘survival’ para sa mga darating na halalan.

Nagpahayag ng pagkadesmaya ang netizens sa platform tulad ng X (dating Twitter) at Reddit sa pamamagitan ng pagbatikos kina Zubiri at Ejercito dahil sa kawalan ng ‘gulugod’ o paninindigan ng dalawa.

“Hindi namin kayo ibinoto para lang maging tagapanood sa Senado. Binabayaran kayo mula sa buwis ng bayan para magdesisyon, hindi para mag-neutral kapag nagkakagulo ang politika,” ayon sa isang nag-viral na komento ng isang taxpayer.

Tinawag din ng mga online critics sa X (dating Twitter) ang binuong ‘third bloc’ bilang isang kalkuladong ‘exit strategy’ para sa halalan sa 2028 upang hindi masira sa magkabilang paksyon.

“Puro re-election math ang iniisip. Takot silang pumili ng panig kasi baka maiwan sila sa ere sa 2028. Ginamit pa ang terminong ‘independent third bloc’ para lang pagtakpan ang ‘safe play’.”

Ang pinal na reaksiyon sa social media ay nananatiling hindi paborable sa dalawang senador.

Ayon sa mga netizen, ipinakita ng hakbang nina Zubiri at Ejercito na mas pinipili ng ilang mambabatas ang sariling proteksiyon at taktikal na pag-atras kaysa paninindigan sa harap ng krisis ng bansa. (NIÑO ACLAN)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Niño Aclan

Check Also

DPWH Bulacan

Sa maanomalyang flood control projects  
2 Bulacan DPWH Officials sumuko kalaboso na kasama ni Discaya

ni MICKA BAUTISTA DALAWA pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan …

061026 Hataw Frontpage

Pagkalunod sa Aurora kinukuwestiyon ng ina
2 ATENEO STUDENT-ATHLETES PATAY SA TEAM BLDG ACTIVITY

HATAW News Team DALAWANG mahuhusay na basketbolista ng Ateneo de Manila University (AdMU) Men’s Basketball …

MMDA Gabriel Go

MMDA pinalalakas ang clearing operations sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila

TINALAKAY ni MMDA Special Operations Group (SOG) Chief Gabriel Go ang patuloy na pagpapatupad ng …

arrest, posas, fingerprints

5 ‘Gen Z boys’ timbog sa pangmomolestiya ng Columbian tourist

LIMANG kalalakihan ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pangmomolestiya sa isang turistang Colombian national, …

TNVS driver binaril ng pasahero

TNVS driver hinoldap, binoga ng pasahero 

BIGONG makauwi sa kanyang pamilya ang isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver nang holdapin …