SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAPAKATAPANG ng seryeng handog ng Rein Entertainment at KC Global Media na idinirehe ni Shugo Praico, ang Drug War: A Conspiracy of Silence na pinagbibidahan nina Harvey Bautista at Ian Veneracion.
Tumutuklas ito sa madugong realidad at madilim na lihim ng digmaan laban sa droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang serye ay tumatalakay sa imbestigasyon ng isang pari (na ginampanan ni Ian) at isang sergeant (Jane Oineza) sa pagkawala ni Kiko (Harvey), na naglalantad sa mas malalim na sabwatan sa likod ng operasyon.
Nakatuon ang serye sa normalisasyon ng karahasan, pakikipagsabwatan ng katahimikan, at emosyonal, sikolohikal, at sosyolohikal na epekto ng digmaang droga sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Ginawa ni direk Shugo ang serye para magbigay liwanag sa katotohanan sa kabila ng potensiyal na kontrobersiya na ipakita ang katotohanan ng mga pangyayari noong panahong iyon.
Ayon sa official trailer, mula 2016 hanggang 2022, mayroong 30,000 reported killings dahil sa drug war sa Pilipinas.
“Our intention is to show perspective,” ani Ian nang matanong ukol sa kung ano nga ba ang intensiyon ng pagpapalabas ng seryeng ito?
“Iba-iba iyong pananaw ukol sa how to fix the same problem and how to rehabilitate or punish or you know…
“There’s a long conversation about it that we hae to have as individuals. And depende ‘yon. Kasi ang ibang tao, hindi naman apektado. So they dan’t care,” paliwanag pa ni Ian.
“We’re not there to lecture or provide answers. We’re not there to solve problems. We’re there to point ot different perspectives. And I think that’s the intention,” giit pa ni Ian.
Sa kabilang banda, isang napakahalagang papel ang ginagampanan ni Harvey na sayang nga lamang at wala siya sa ginanap na screening ng pilot episode ng serye noong Huwebes ng gabi sa Shangri-La Red Carpet Premiere Theater, Mandaluyong City.
Mahusay na ginampanan ni Harvey ang papel ni Kiko, isang teenager mula sa slums na biktima ng “drug war” at nagtatago matapos ang kanyang rehabilitasyon.
Bawat nakapanood sa screening ay iisa ang sinasabi, mahusay na nagampanan ni Harvey ang karakter na ibinigay sa kanya. Maging si Ian ay pinuri ang husay ng batang aktor kaya naman ganoon na lamang siya ka-proud dito.
“Ang galing-galing ni Harvey,” ani Ian. “Sobra iyong commitment niya into getting into the character. And it takes a lot of emotional generosity for an actor to open your hear.”
Sinabi pa ni Ian na sobrang laki ng improvement ni Harvey bilang aktor. “Sobrang matured niya bilang aktor. Parang beterano.”
Si Ian si Fr Tom na nangunguna sa rehab program para sa mga kabataang adik sa isang isla.
“Noong nabasa ko iyong script, hindi ko alan kung paano namin gagawin because of schedule and stuff,” anang aktor.
“Pero I felt I really had to be part of this because we have to tell the story. Because it’s the story of our people, and it’s a part of our history and our humanity,” wika pa ni Ian na umaasang marami ang makakapanood ng kanilang serye.
“Kuwento natin ito. Tayo ito. So, sana mapanood ng mga taga-ibang bansa rin.
“Kasama rito ang kagandahang asal nating mga Filipino at iyong mga hindi rin magagandang parts natin.
“And it raises a lot of questions. And sabi nga ni direk Shugo, ‘yun ang gustoo natin, to have conversation about it.”
Bukod kina Ian, Harvey, Jane, kasama rin sa serye sina John Arcilla, Lotlot de Leon, Romnick Sarmenta, Yayo Aguila, Ryan Eigenmann, Joem Bascon, at Gabby Padilla.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com