SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
“MAS personal ‘yung dating ngayon. Not for me, but for the other cast members. Kasama ko sila sa paghubog ng kuwento,” ito ang iginiit ni Jerald Napoles ukol sa pinagbibidahang pelikula mula Viva Films, ang Love, Ngo.
Bagama’t komedya ang pelikulang pinamahalaan ni Darryl Yap na mapapanood na simula June 3, 2026, binigyang-diin ni Jerald na layunin ng pelikula na isulong ang pagtanggap at pag-unawa, hindi ang pagtawanan ang mga taong may kapansanan.
“Nagtitiwala ako sa istorya. Bago pa naibigay ang script, alam ko na it is not about putting them down. Hindi tayo gagawa ng ganoon. ‘Pag may proyekto tayo, we want to redeem something from a certain culture,” paliwanag ng mister ni Kim Molina.
“Masaya kaming lahat kasi ngayon, nang pinalabas namin ang teaser, may pagmamahal na. Iba na ‘yung comments,” dagdag pa.
Nagbabalik ang karakter na minahal sa pelikula at nag-trending sa social media na may sarili nang pelikula.
Mula sa Ang Babaeng Walang Pakiramdam, muling gaganap bilang si Ngongo si Jerald sa Love, Ngo.
Sa pagbabalik-pelikula ng direktor na si Darryl, muling mabibigyang-buhay ang karakter na nagpatawa, nagpangiti, at umagaw ng atensyon ng mga manonood.
Bukod kay Tasha, ang superwoman na walang emosyon, nakilala rin sa isa sa mga top-streamed films na Ang Babaeng Walang Pakiramdam ang funny man, maaasahan at laging reliable na si Ngongo. Hindi lang sa pelikula nagpasaya si Ngongo—ang kanyang “Mork and Mean” na eksena ay nag-trending online at umabot sa mahigit 125 million views.
Ngayong Hunyo, alamin natin kung ano nga ba ang buhay ni Ngongo bago sila nagtagpo ni Tasha!
Si Ngongo ay isang masipag, maabilidad, at madiskarteng binata na tumutulong sa burger stand ng kanyang Mother Queen. Naiiba man siya dahil sa kanyang kondisyon, mayaman naman siya sa pagmamahal mula sa kanyang mga tapat na kaibigan na kapareho rin niya ng kapansanan.
Ibinubuhos ni Ngongo ang kanyang libreng oras bilang volunteer sa The Cleft Lip and Palate Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga may bingot at ngongo. Dito niya makikilala si Scarlet, ang kanyang first love. Liligawan ni Ngongo si Scarlet, ngunit tutol ang pamilya ng dalaga dahil sa estado ng buhay at kondisyon niya. Rito masusubok ang kanyang katatagan, dahil hahamakin niya ang lahat para kay Scarlet, kahit pa ikapahamak niya.
At sa kanyang pagpupursiging makuha ang pag-ibig ng babaeng pinakamamahal, unti-unti niyang makalilimutan na may pamilya at mga kaibigan ding nagmamahal sa kanya ng tapat at walang pag-aalinlangan.
Samahan si Ngongo sa kanyang journey para matagpuan ang tunay na pag-ibig at pagmamahal sa sarili.
Makakasama ni Jerald sa pelikula ang mga kilalang influencers na sina Malupiton at Jack Argota, na magdadagdag ng kuwela at saya para sa mga manonood.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com