DAHIL sa patuloy na paglago ng karate sa buong mundo, inilunsad ng World Karate Federation (WKF) ang motto na “The World is Our Dojo,” na ipakikilala sa Karate One Youth League na inihahatid ng Philippine Sports Commission na magsisimula sa Mayo 14 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Pinili ng WKF ang motto na ‘The World is Our Dojo’ dahil napakalaki ng itinanyag ng karate sa paglipas ng mga taon. Ang pederasyon ay mayroon nang 200 miyembro sa buong mundo, at patuloy pang nadaragdagan,” ayon kay Karate Pilipinas Sports Federation, Inc. president Richard Lim.
“Halos saanman sa mundo ay mayroong karate gym kaya makatarungang masabi ng WKF na ‘The World is Our Dojo,’” dagdag ni Lim.
“Ang katotohanang mayroon tayong 59 bansang kalahok at halos 1,000 karatekas mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang dadalo ay patunay ng malalim na impluwensiya ng katutubong sining-pandigma ng Hapon bilang isang pandaigdigang combat sport,” dagdag pa ng pinuno ng torneo na suportado ng SM Group of Companies at Philippine Olympic Committee.
Ibinunyag niya na unang dumating noong Miyerkules ang pitong miyembrong junior squad mula Malaysia at kasalukuyang nagsasanay at nakikipag-sparring sa kanilang mga lokal na katapat sa Association for the Advancement of Karatedo (AAK) gym sa Mandaluyong.
“Ang mga Malaysian karatekas na ito ay kabilang sa pinakamahuhusay nila at ipinapakita nito kung gaano kaseryoso ang ating kapitbahay sa Southeast Asia na magtagumpay sa kompetisyon,” sabi ni Lim tungkol sa mga kalahok sa torneo na suportado rin ng Lanson’s Place, Milo at Citadines Bay Hotel Manila.
Ang malaking bahagi ng delegasyon ng Malaysia ay darating bukas kasama ng iba pang overseas contingents, pangungunahan ng malaking 78-miyembrong koponan mula Australia, kasunod ang 40 mula Saudi Arabia at 39 mula New Zealand.
Ang mga kalahok sa Karate One Youth League na inihahatid ng PSC ay pararangalan sa isang welcome dinner sa Miyerkules na ihahandog ng Department of Tourism bago tuluyang magsimula ang mga laban kinabukasan sa Mall of Asia Arena.
Isang mala-piyestang atmospera ang tampok sa ikalawang araw ng kompetisyon sa pamamagitan ng opening ceremony sa hapon na magtatampok ng drum beaters, cultural dancers, laser show, at parade of flags sa youth karate showcase na sinusuportahan din nina Senators Christopher “Bong” Go at Pia Cayetano.
Kabilang sa mga dadalo sa makulay na okasyon sina POC president Abraham “Bambol” Tolentino, PSC chairman Patrick “Pato” Gregorio, WKF president Antonio Espinos, Milo senior vice president Veronica Cruz, at Carlo Sampan, assistant vice president at Head for Sports ng Milo Philippines.
Mayroong 34 na kategorya sa parehong kumite (sparring) at kata (forms) na paglalabanan sa youth karate festival para sa Under-14, edad 12 hanggang 13, Cadets na edad 14 hanggang 15, at Junior na edad 16 hanggang 17, para sa parehong boys at girls divisions. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com