KAPOS man sa lagda, inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kahapon, Martes, 5 Mayo, ang ilan sa mga resulta ng pagtatanong ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng kontrobersiyal na flood control projects scam at nagrekomendang isailalim sa preliminary investigation para sa prosekusyon ng mga kasong kriminal ang ilang mambabatas.
Hindi pinangalanan ni Lacson ang mga mambabatas sa kanyang privilege speech, ngunit sa ‘talaan’ ng mga posibleng sampahan ng ‘criminal charges’ na kanyang iniharap sa Senado ay makikita ang mga pangalan nina senators Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, dating senador Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., dating Speaker Martin Romualdez, at dating House appropriations committee chair Elizaldy “Zaldy” Co.
Ang pangalan ng anim na dati at kasalukuyang mga mambabatas ay nakalista para sa preliminary o fact-finding investigation, o case build-up para sa posibleng paglabag gaya ng direct bribery, antigraft and corrupt practices, at plunder.
Ang iba naman para sa preliminary investigation ay malversation at violation of the code of conduct and ethical standards for public officials and employees.
May rekomendasyon rin para sa palsipikasyon ng mga dokumento, pagkakakilanlan, pagsisinungaling o -pandaraya, at manipulasyon/sabwatan sa bidding
ng ilang public works officials at mga kontratista.
Inamin ni Lacson na pitong senador lang ang pumirma sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay Lacson, chairman din ng komite, ang pinakahuling lumagda ay si Sen. Raffy Tulfo.
Kabilang sa mga pumirma sa report ang mga senador na sina Erwin Tulfo (vice chair ng komite), Risa Hontiveros, Paolo “Bam” Aquino IV, Francis “Kiko” Pangilinan, Raffy Tulfo, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at mismong si Lacson.
Gayonpaman, sinabi ni Lacson na kulang pa ito sa kinakailangang siyam na lagda upang maisalang sa plenaryo ang pagtalakay at maipatupad ang aksiyon sa committee report, alinsunod sa rules ng Senado.
Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Lacson na halos tatlong buwan nang nakabinbin ang report at binigyang-diin na ang mga nilalaman nito ay hindi na bago at na-validate na rin.
Aniya, nabigyan ang bawat miyembro ng sapat na panahon upang repasohin ang higit 400 pahinang report at magmungkahi ng pagbabago kung kinakailangan.
Iginagalang aniya ang desisyon ng ilang senador na hindi pumirma, bagama’t hindi siya sumasang-ayon dito.
Samantala, si Sen. Rodante Marcoleta, na kabilang sa minority bloc, ay nagpaliwanag na hindi siya lumagda sa report dahil sa isyu ng proseso at dokumentong natanggap niya.
Ngunit giit ni Lacson, ang orihinal na kopya ng report ay may pirma na niya at ang digital copy ang opisyal na ipinadala sa mga miyembro. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com