MULING napunta ang atensiyon sa matagal nang reputasyon ng Marikina City bilang “shoe capital” ng bansa matapos mapili ang world-class nitong mga sapatos bilang opisyal na footwear ng Miss Universe Philippines 2026.
Sa isang Facebook announcement, inihayag ng Miss Universe Philippines na ang mga kandidata ay magsusuot ng sapatos na gawa ng mga manufacturer mula Marikina sa ilalim ng SAFATOS Marikina line sa iba’t ibang bahagi ng kompetisyon.
Ibinahagi rin ng organisasyon ang mga video ng mga kandidata na naka-swimwear habang ipinakikita ang iba’t ibang disenyo ng lokal na sapatos, na nagtatampok ng world-class elegance at craftsmanship — mga katangiang nagpatanyag sa Marikina City sa lokal at internasyonal na industriya ng sapatos.
Ipinakita sa mga video ang mga likha ng mga shoemaker mula Marikina, kabilang sina Rowiliza Landicho (Roweliza), Vilma Fontilla (Jakob), at Marlyn Magbag (Zachy Shoes).
Ang SAFATOS Marikina line ay hand-made ng mga shoemaker ng Marikina gamit ang de-kalidad na Philippine Tropical Fabrics, eksklusibo para sa mga kandidata ng Miss Universe Philippines 2026.
Ang inisyatiba ay pinangunahan ng Philippine Footwear Federation, Inc. (PFFI) sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology–Philippine Textile Research Institute at ng pamahalaang lungsod ng Marikina.
“This recognition is a testament to the world-class craftsmanship of Marikina’s shoe industry. Through this, we are able to showcase the city’s creativity and quality through the footwear worn by the candidates,” ani Marikina City Mayor Maan Teodoro.
“It also fortifies Marikina’s position as the country’s shoe capital on both the national and global stage,” dagdag niya.
Si Mayor Teodoro at ang kanyang asawa na si dating Mayor at ngayon ay 1st District Rep. Marcy Teodoro ay kilalang matibay na tagasuporta ng industriya ng sapatos sa Marikina, na tumulong sa pagbangon, pagpapalawak, at pagiging competitive nito bago, habang, at pagkatapos ng pandemya.
Kinilala ng PFFI si Marcy Teodoro dahil sa pagbibigay ng malakas at tuloy-tuloy na suporta sa industriya ng sapatos sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapadali ng libreng partisipasyon sa mga bazaar at trade events sa buong bansa, na nagbigay-daan upang maipakita at maibenta ng mga shoemaker ang kanilang produkto ng walang dagdag na gastos.
Binanggit din nila ang iba pang suporta ni Teodoro noong pandemya, kabilang ang pag-organisa ng vaccination drives para sa mga shoemaker, pagbibigay ng financial assistance at relief goods, at pagtiyak na pati mga manggagawa mula sa karatig na bayan ay nakasama sa mga ayuda.
Upang lalo pang palakasin ang sektor, sinuportahan ni Teodoro ang mga inisyatiba tulad ng tax incentives sa ilalim ng City Ordinance No. 110 Series of 2021, na nakatulong sa pagbangon ng industriya mula sa epekto ng pandemya, pati na rin ang pagbibigay ng libreng office space para sa mga footwear associations sa loob ng Legislative Building para sa mas maayos na koordinasyon at operasyon.
Sa pamamagitan ng mga bazaar at roadshows na inorganisa ng lokal na pamahalaan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga shoemaker na mapalawak ang kanilang merkado sa pamamagitan ng pag-abot sa mga reseller at customer sa iba’t ibang online platforms.
Ang mga video ay ginawa ng Zapateria Club, sa ilalim ng creative direction ni Thian Rodriguez ng THIAN Rodriguez Manila bilang Creative Director at Head Designer, kasama si Associate Designer Joanah Lee Villanueva ng Alunsinag.
Ang creative production at post-production ay pinangunahan ni Glice Batulan, habang ang photography ay kay Mark Neto Diaz ng The MND Studios. Si Gene Francis Sayson ang cinematographer at editor, habang si Jessal Cruz ang gaffer. Ang video equipment ay mula sa Cinestories Studios, ang set design ay kay Jeremy Xing, at ang jewelry ay mula kay MJorian.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com