ARESTADO ang isang 25-anyos lalaki sa bayan ng Teresa, sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal,
nitong Sabado, 25 Abril, matapos singilin ang may-ari ng motorsiklong kaniyang ninakaw upang isauli ito.
Sa imbestigasyon ng Antipolo CCPS, ipinarada ng biktima ang kaniyang motorsiklo sa harap ng kanila ng bahay sa Brgy. Dela Paz, sa nabanggit na lungsod, nitong Biyernes, 24 Abril, dakong 11:00 ng gabi.
Kinabukasan, dumating ang kapatid ng biktima dakong 5:00 ng umaga, at natuklasang puwersahang binuksan ang kanilang pintuan kaya agad niyang ginising ang biktima at ang kanilang ama.
Nang tingnan ang kanilang mga kagamitan, nabatid na nawawala ang dalawang cellphone at ang susi ng motorsiklo na nakalagay sa ibaba ng mesa, kompirmasyon na ninakaw nga ito.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap ang pamilya ng biktima ng mensahe sa messenger mula sa isang account na naka-log in sa isa sa mga nawalang cellphone na siyang ginamit ng suspek upang humingi ng pera kapalit ng pagsasauli sa ninakaw na motorsiklo at nagbigay ng e-wallet number.
Agad silang humingi ng tulong sa pulisya, at natunton sa Teresa, Rizal ang lokasyon ng ibinigay na e-wallet number ng suspek.
Nadakip sa ikinasang follow-up operation ang suspek na kinilalang si alyas Jim at narekober mula sa kaniya ang mga ninakaw na kagamitan.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na nakatakdang sampahan ng mga kasong carnapping at robbery.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com