
HATAW News Team
DINAKIP ang anim katao na naaktohang naghahatid at nagsasalinng mga produktong petrolyo sa isang garahe sa Caloocan City nang walang kaukulang papeles o dokumento at nakalagay sa isang dilapidated tanker.
Sinabi ni Lt. Nadame Malang, tagapagsalita ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), inaresto ang anim na suspek nang magduda ang mga operatiba sa isang bulok na tanker truck na dumaan habang sila ay nagsasagawa ng routine patrol sa C3 Road.
“Mayroong dilapidated na tanker na dumaan sa kanila. And nakababahala at malaking pagsususpetsa, gayong dumaan ito sa ilalim ng Skyway,” wika ni Malang.
Sinabing ang tanker ay hindi angkop sa itinatakda ng Department of Energy (DOE) na sasakyan para sa pagbiyahe at paglilipat ng produktong petrolyo kaya binuntutan at doon nadiskubre na may ilegal na gawain.
“Nakita sa aktong talagang nagsasalin sila ng methanol galing doon sa mga containers, which is bawal kasi meron tayong authorized depot sa paglilipat ng mga ganitong uri ng liquids,” ani Malang.
Kinompiska ang tanker na naglalaman ng tinatayang 10,000 litro ng methanol, steel-cage tanks na naglalaman ng nasa 8,000 litro ng unleaded gasoline, 1,000 litro ng premium gasoline, at 1,000 litro ng diesel.
Nasa kabuuang halaga na P8.94 milyon ang nakompiskang produkto.
Nagbabala si Malang na mapanganib sa kaligtasan ang methanol, isang highly combustible product, na inihahalo sa gasolina o diesel bago ibenta sa merkado.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com