AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA NAGDAANG isang linggo, muling pinatunayan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni District Director, PBrig. Gen. Randy Glenn Silvio, na ang hustisya ay hindi lamang isang konsepto at sa halip isa itong aktibong pagkilos.
Heto nga, sa nakalipas na pitong araw, sa patuloy na pagpapatupad ng bawat operational units at police stations sa direktiba ni Silvio kaugnay sa patuloy na kampanya laban sa kriminalidad – nand’yan iyong mga most wanted na matagal nang nagtatago sa batas at iba pang kaso, bukod sa mga nagtutulak ng droga, umabot sa 190 indibiduwal ang nadakip sa magkakahiwalay na police operation.
Patunay lamang din ito na hindi kayang paglaruan ng masasamang loob ang batas…at patunay din ito na hindi natutulog ang batas sa QC.
Kabilang sa pinakakahangahanga ay ang walang kupas na pagtugis sa wanted persons na ang akala nila ay ‘ligtas’ na sila dahil sa haba ng panahon nilang pagtatago.
Pero nagkamali itong naarestong si alyas Jimmy sa pag-aakalang kinalimutan na siya — makaraan ang 16-taong pagtatago sa batas, bumagsak siya sa kamay ng QCPD. Maging sina alyas Virgilio, alyas Denver, alyas Judith, at alyas Allan, na mahigit isang dekada na ang nakalipas simula nang gumawa ng labag sa batas.
Sa resulta ng operasyong ito, ipinapakita lamang ng QCPD na hindi kumukupas ang kanilang memorya o ang batas ay laging gising.
Malinaw din ang mensaheng hatid ng matagumpay na operasyon. Maaari kang magtago, pero hindi ka puwedeng habambuhay na tumakas. Kaya sa mga biktima na nawalan na ng pag-asa matapos ang 13 o 15 taon, ang mga naarestong ito ay nagpapatunay na ang gulong ng hustisya ay umiikot pa rin, gaano man ito katagal.
Layunin ng kampanya ng QCPD ay para sa isang ligtas na komunidad at seguridad ng QCitizens.
Hindi lamang mga ‘wanted persons’ ang target ng QCPD kung hindi nakapokus din sa gera laban sa ilegal na droga. Sa loob ng isang linggo ay napigilan ng pulisya ang pagkalat sa kalsada ng P900,000 halaga ng droga. Ibig sabihin, maraming buhay ang nailigtas dito.
Maging sa mga nakompiskang ilegal na baril – bawat baril na nakompiska ay katumbas ng mga buhay na nailigtas mula sa krimen.
Bakit ba nagtatagumpay ang QCPD? Una’y dahil sa leadership ni Silvio at buong suporta ng kanyang mga opisyal at tauhan at siyempre dahil din ito sa kombinasyon ng teknolohiya (QC Helpline 122 at E911) at dedikasyon. Ang bawat pulis sa Station 1 hanggang Station 16 ay hindi lamang basta nagpapatrolya – sila ay nakikinig sa boses ng publiko.
Patunay din na ang terminong “swift and responsive” ni PBGen. Silvio ay hindi lamang palamuti at sa halip ay ramdam na ramdam ng bawat QCitizens na nakauuwi nang ligtas sa gabi. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com