LIMANG pasahero ng rescue vehicle ang binawian ng buhay habang sugatan ang pitong iba pa nang banggain ng isang pampasaherong bus sa Andaya Highway, Brgy. Port Junction Sur, bayan ng Ragay, lalawigan ng Camarines Sur, nitong Miyerkoles ng gabi, 8 Abril.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na isang alyas
Nestor, residente sa Barangay Cabutagan, Lupi, Camarines Sur; isang alyas Myles; Angela, 25; John, 28; at James.
Sugatan ang 27-anyos na si Jayson, residente sa Colacling, Lupi; John, 22, mula sa Cabutagan, Lupi; Richard, mula sa Barangay Tapi, Lupi; Justin, 22; Marcela, 22; Mark, isang limang-buwang sanggol mula sa Barangay Poblacion, Lupi; at isang hindi kilalang indibiduwal.
Ang mga biktima ay sinabing pasahero ng rescue vehicle.
Sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng pampasaherong bus na Mark Eves Transit ang Andaya Highway, tinatayang 18 kilometro galing sa Ragay police station mula sa Metro Manila patungong Tabaco City nang biglang pumakabila sa kasalungat na linya.
Bumangga ang bus sa dumarating na puting Foton light rescue vehicle, minamaneho ng isang alyas Jeffrey, 35, residente sa Sipocot, Camarines Sur.
Limang pasahero ng rescue vehicle ang namatay noon din. Agad itinakbo ng mga nagresponde ang mga biktima sa ospital.
Iniulat na walang nasugatan o namatay sa mga pasahero ng sumalubong na bus.
Mabilis na nakatakas ang bus driver at hanggang ngayon ay hindi pa kilala. Nagsasagawa ng follow-up investigation ang pulisya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com