SA PAGDIRIWANG ng Rabies Awareness Month ngayong Marso, pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVO), ang kauna-unahang nationwide Mass Spay and Castration Project sa pakikipagtulungan sa Provincial, City and Municipal Veterinarians League of the Philippines (PCMVLP), Philippine Veterinary Medical Association (PVMA), at CPF ngayong Marso 19, 2026 sa Provincial Veterinary Office, Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos, Bulacan, kung saan nakilahok din ang iba’t ibang veterinary offices mula sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Zoom.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Voltaire G. Basinang, nakabatay ang inisyatiba sa apat na pangunahing adbokasiya: responsableng pag-aalaga ng hayop, kapakanan ng mga hayop, pagkontrol at tuluyang pagpuksa sa rabies, at pagkilala sa mahalagang papel ng mga beterinaryo sa pampublikong kalusugan at kaligtasan ng komunidad.
Sa temang “A Rabies-Free Future Starts with Me,” nagsagawa ang proyekto ng hindi bababa sa 3,000 operasyon ng ligat (spay) at kapon (castration) sa mga aso at pusa sa buong bansa sa isang magkakasabay na kampanya sa loob ng isang araw na naglalayon na makontrol ang populasyon ng mga ligaw na hayop at maiwasan ang pagkalat ng rabies.
Isinagawa ito nang sabay-sabay sa 22 lalawigan, 40 lungsod, at 19 na bayan, kabilang ang Lalawigan ng Bulacan bilang host, na sumaklaw sa mga Lungsod ng Baliwag, Malolos, San Jose Del Monte, at Meycauayan, gaundin ang mga bayan ng Pulilan, Santa Maria, Paombong, Bocaue, Norzagaray, at Marilao.
Sa isang Audio-Visual Presentation ni Senador Mark Villar, binigyang-diin na ang rabies ay nananatiling isang banta sa kalusugan dito sa Pilipinas na bagama’t nakamamatay ay maaari namang maiwasan.
Ito ay dulot ng dumaraming bilang ng mga ligaw at hindi bakunadong hayop, kung saan ang kapon (spay at castration), pagbabakuna, at kamalayan ng publiko ang nakikitang susi sa pagsugpo nito.
Maaari ring manatiling hindi nakikita ang rabies sa loob ng mahabang panahon at posibleng mag-incubate sa mga tao at hayop mula dalawang buwan hanggang isang taon bago lumabas ang mga sintomas, kaya naman napakahalaga ng maagang pag-iwas at interbensyong medikal.
Ibinahagi rin ni PVMA President Dr. Lina S. Policarpio na tinatayang mayroong 10 hanggang 13 milyong ligaw na hayop sa bansa na maaaring magpalaganap ng rabies, kaya’t nagpasalamat siya sa mga veterinary offices na nakiisa sa programa at sa mga pet owner na nagsusulong ng responsableng pag-aalaga ng hayop.
Samantala, bilang isang masugid na pet owner na may espesyal na pagmamahal sa mga aso, inanunsyo ni Gob. Daniel R. Fernando ang nalalapit na pagbubukas ng Provincial Veterinary Hospital na magbibigay ng libreng serbisyo para sa mga alagang hayop sa buong lalawigan at hinimok din ang mga Bulakenyo na isabuhay ang responsableng pet ownership sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga, pagbabakuna, at makataong pagtrato sa mga hayop bilang mahalagang hakbang sa pagsusulong ng kapakanan ng hayop at pampublikong kalusugan.
“Huwag tayong maging tagamasid lamang, kailangan maging bahagi tayo ng solusyon. Magpakapon, magpabakuna at magpa-vaccine ng mga alaga. Hindi lamang sila libangan, sila ay umaasa sa atin. Ituring po natin na ang mga hayop ay parang tao. Ang mga hayop ay parang tao na may pakiramdam, marunong magmahal at magbantay. Sila ay may buhay din,” ani ng gobernador sa isinagawang question-and-answer segment.
Sa pamamagitan ng programang ito, binigyang-diin din ang mahahalagang panawagan, kabilang ang paghikayat sa kongreso at senado na ipasa ang nakabinbing panukalang batas na mag-aatas ng pagtatatag ng veterinary offices sa lahat ng munisipalidad, na pinangungunahan nina Sen. Villar, Rep. Salvador Pleyto, at Rep. Joseph Bernos.
Bukod dito, hinihikayat din ang mga lokal na punong ehekutibo na mag-commit sa paglikha o pagpapalakas ng municipal veterinary offices sa loob ng kanilang kasalukuyang panunungkulan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com