Monday , March 16 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Institute for Climate and Sustainable Cities ICSC

Sigalot sa Middle East naglantad ng kahinaan ng PH sa langis  
Renewable energy itinutulak bilang solusyon

ni Teddy Brul

BINIGYANG-DIIN ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) na kailangang palakasin ng Filipinas ang seguridad sa enerhiya sa pamamagitan ng pagpapalawak ng renewable energy at pagpapahusay ng power grid, matapos ilantad ng tumitinding tensiyon sa Middle East ang panganib ng labis na pagsalig ng bansa sa inaangkat na fossil fuel.

Sa inilabas na position paper, sinabi ng ICSC na ang pagpapabilis sa paggamit ng renewable energy at modernisasyon ng power system ay isang “no-regrets strategy” upang maprotektahan ang bansa laban sa pabago-bagong presyo at posibleng pagkaantala sa suplay ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa grupo, paulit-ulit nang ipinapakita ng mga krisis sa pandaigdigang merkado ng enerhiya na mahal at mapanganib ang sobrang pag-asa sa inaangkat na fossil fuel—isang realidad na muling lumitaw sa kasalukuyang sigalot sa Middle East.

Malaki pa rin ang pagdepende ng Filipinas sa imported na enerhiya, partikular sa krudo na karamihan ay nagmumula sa Middle East. Ipinakita ng mga nakaraang pangyayari kung gaano kabilis maapektohan ang pandaigdigang merkado ng enerhiya, matapos tumaas ang presyo ng krudo ng 19 porsiyento, liquefied natural gas ng 47 porsiyento, at coal ng 15 porsiyento noong 5 Marso 2026.

Ang pagtaas ng presyo ng langis ay may agarang epekto sa mga mamamayan at negosyo. Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na posibleng tumaas ngayong linggo ang presyo ng diesel hanggang ₱24.25 kada litro at gasolina hanggang ₱13 kada litro.

Ipinahiwatig din ng ahensiya na maaaring umabot sa 16 porsiyento ang taas sa singil sa koryente pagsapit ng Abril kung magpapatuloy ang pagkaantala sa pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Mas matindi ang epekto nito sa mga off-grid na lugar kung saan pangunahing diesel ang ginagamit sa paglikha ng koryente. Bagama’t may subsidiya ang pamahalaan upang mapagaan ang gastos sa koryente sa mga komunidad na ito, sa huli ay mga konsyumer sa buong bansa rin ang sumasalo sa gastos.

Renewable energy bilang pangmatagalang solusyon

Ayon sa ICSC, mahalagang bawasan ng bansa ang pagdepende sa imported na fossil fuel at palawakin ang paggamit ng mga lokal na pinagkukuhaan ng enerhiya tulad ng solar, hangin, hydro, at geothermal.

Dahil likas na matatagpuan sa bansa ang mga ito, hindi gaanong naaapektohan ang kanilang presyo ng pagbabago sa pandaigdigang merkado ng enerhiya. Ang pagpapalawak ng bahagi ng renewable energy sa energy mix ng bansa ay makatutulong upang mapatatag ang presyo ng koryente at mapalakas ang katatagan ng power system.

Binigyang-diin ng grupo ang papel ng distributed energy solutions tulad ng rooftop solar sa mga bahay, negosyo at gusali ng pamahalaan. Makakatulong ito upang mabawasan ang demand sa fossil fuel-based power plants habang nagbibigay sa mga konsyumer ng kakayahang lumikha ng sarili nilang koryente.

Dagdag ng ICSC, mahalaga rin ang paggamit ng battery energy storage systems upang mapabuti ang katatagan ng grid sa pamamagitan ng mas maayos na balanse ng supply at demand. Ang hybrid renewable systems naman ay maaaring magbigay ng mas matatag at mas murang suplay ng koryente sa mga isla at off-grid na komunidad.

Binigyang-diin ng grupo na kailangan paunlarin ang power infrastructure ng bansa upang maging mas flexible at matatag ang sistema ng koryente.

Kabilang dito ang pamumuhunan sa energy storage, pagpapalakas ng transmission networks, at paggamit ng smart grid technologies na kayang tumanggap ng mas mataas na bahagi ng renewable energy.

Ayon sa ICSC, ang isang mas decentralized at diversified na sistema ng enerhiya ay makatutulong upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado habang tinitiyak ang mas maaasahan at ligtas na suplay ng koryente.

Nanawagan ang ICSC sa pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng renewable energy projects at modernisasyon ng power infrastructure upang matiyak ang mas abot-kaya, maaasahan, at ligtas na suplay ng koryente para sa mga Filipino.

“Ang pagbawas sa pagdepende sa fossil fuels ay nagpapalakas din ng katatagan ng ekonomiya—pinabubuti nito ang trade balance at pinoprotektahan ang bansa laban sa pabago-bagong presyo ng mga commodity at currency,” ayon sa ICSC.

“Ang pagpapabilis sa paggamit ng renewable energy ay isang no-regrets strategy upang mapalakas ang seguridad sa enerhiya ng bansa,” dagdag ng grupo.

Ang Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) ay isang non-government organization na nakabase sa Filipinas na nagsusulong ng mga solusyon sa klima, enerhiya, at low-carbon development upang maisulong ang makatarungan at matatag sa pagbabago ng klima na kaunlaran sa pambansa at pandaigdigang antas. (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Teddy Brul

Check Also

Norzagaray Bulacan police PNP

Top 10 MWP sa Norzagaray, arestado sa kasong statutory rape

NAARESTO ng mga operatiba ng Norzagaray Municipal Police Station ang isang lalaki na nakalista bilang …

SM Sparklo Reverse Vending Machines

SM Introduces Sparklo Reverse Vending Machines to the Philippines for the First Time Ever

SM Supermalls and Sparklo executives formalize their partnership during the official launch of Sparklo’s reverse …

volleyball all star Candon City Ilocos Sur

Candon City, magho-host sa pagbabalik ng Volleyball All-Star event

MAGBABALIK ang inaabangang Volleyball All-Star Showcase kung saan muling magsasama-sama ang mga star ng propesyonal …

Dead body, feet

Sa San Ildefonso, Bulacan
Kargador natagpuang patay sa by-pass road

WALA nang buhay nang matagpuan ang isang manggagawa sa gilid ng bypass road sa bayan …

Police line do not cross

Sa Nueva Ecija
Bangkay ng mag-asawa itinapon sa irigasyon

NATAGPUAN ang mga labi ng matandang mag-asawa na halos limang araw nang nawawala na nakasilid …