SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
ISA sa magagaling na direktor si Joel Lamangan kaya naurirat namin ito ukol sa pagpayag magpadirehe kay Coco Martin sa FPJ’s Batang Quiapo na nagtapos na kamakailan.
Anang award-winning director hindi siya nagdalawang-isip dahil magaling si Coco.
Dagdag pang rason ng direktor, “Dahil maganda ang bayad! Magdadalawang-isip pa, sayang naman, ‘di ba? At saka M-W-F lang naman ang taping. Meron pa akong T-Th-S.
“Gusto ko rin kasing malaman kung paano siyang katrabaho. Kasi marami akong naririnig,” wika pa ni Direk Joel.
Sa pakikipag-tsikahan namin kay direk Joel mediacon ng bago niyang obra, ang All About Her, isa sa anim na full-length films sa 8th Sinag Maynila Film Festival na gaganapin sa March 23 to 29, 2026, sinabi rin ng iconic filmmaker na pumayag siya agad nang kunin siya bilang artista sa serye ni Coco.
“Kinausap niya ako dahil naging aktor ko ‘yung kapatid niya, si Ronwaldo Martin. Naging artista ko si Ronwaldo sa ‘Bhoy Intsik’ (2017) kasama sina Elora Españo at RS Francisco.”
“Nakita ko, may mata siya, marunong siyang mag-position ng camera. Ang idinidirehe niya, si Charo Santos at ako. Imagine, nakakatensiyon. Kaming dalawa. Aba! Mahusay siya!” giit pa ni Direk Joel.
Umabot ng halos tatlong taon si direk Joel sa FPJ’s Batang Quiapo. Nagmarka sa netizens ang karakter niya sa serye bilang si Roda.
Pagbabahagi ni direk Joel, hindi niya akalaing magtatagal ang karakter niya. Akala niya ay tsutsugihin na ang karakter niya sa kalagitnaan ng kuwento niyon.
“Naku, tetegiin na ako! Dalawang beses akong sinaksak-saksak. ‘Ay! Patay na ako?!’ The next time, ay may call slip ako.
“Nasa hospital ako. Ay! Buhay ako! Dahil gusto ng mga tao ang role ko,” nangingiting pagbabahagi pa ng direktor.
“Kasi ang alam ko, sabi ni Coco, ‘Direk, kukunin kita pero sandali lang, ha?’ Akala ko, sandali lang ako. Eh, nasaksak na ako, dalawang beses. Nasunog pa ang bahay ko, ‘di ba? Buhay pa rin. Hindi ako mamatay-matay!” dagdag pa.
At dahil premyado at magaling na direktor ang isang Joel Lamangan natanong namin kung na-intimidate ba sa kanya si Coco?
“Hindi naman. Sabi ko sa kanya, ‘Coco, ‘pag ako, artista, napakabait ko. Susunod ako nang susunod sa direktor. Wala akong tutol anuman ang ipagawa mo sa akin. Huwag mo lang akong paghubarin!’
“Magaling siya. Mahusay. Alam niya ang ginagawa niya. At ang buong istorya, hindi sa script, sa utak niya,” wika pa ng direktor at saka napasok sa usapin ukol kay Rod Navarro Jr. na mabilis nitong pinasinungalingan.
“Mahusay si Coco. Marami siyang binigyan ng break na kailangan ng tulong, ng trabaho. Maganda siyang magbayad, sa totoo lang. Hindi naman ABS-CBN ang nagbabayad, si Coco.
“Mabait si Coco, mabait na tao. At mahusay. Hindi totoo ‘yung sinasabi ni Rod Navarro Jr. Jusko, binigyan na nga siya ng trabaho, ng kung ano-ano, sinisiraan niya pa. Hindi totoo ‘yan, darling.
“Almost three years akong kasama ni Coco. Wala akong nakitang ganoon. Wala! Kahit sinong direktor (ng Batang Quiapo), apat ‘yun, eh, kahit pa sinong direktor namin, wala akong nakitang ganoon. At bukas sila kung ano ang gusto mong sabihin,” tumoy-tuloy na depensa pa ng direktor kay Coco at sa iba pa nilang direktor.
“Naku, haharapin ko si Rod Navarro Jr.. Kapag nakita ko iyan, ‘Naku, hindi na kita kukuning artista! Ayaw mo pala ng sigaw nang sigaw, eh, nasigaw ako! Huwag kang mag-apply sa akin,’ sasabihin ko sa kanya. ‘Tumigil ka!’” tila pagbabanta ng direktor.
Sa kabilang banda, proud si Direk Joel sa pelikula niyang All About Her na prodyus ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo kasama ang Executive Producer na si Meloy Uy.
Ang All About Her ay ukol sa kaganapan sa mundo ng beauty pageant na hindi pa alam ng publiko, tulad ng isyu ng prostitution at iba pa.
Bida sa All About Her sina Yuki Sonoda, Kelley Day, at Tony Labrusca, with Pancho Magno, Jim Pebanco, VMX stars Itan Rosales, Marco Gomez, and Angelica Cervantes.
“It talks about some sexy things. It’s about mga beauty contestant sa global beauty contest. Paano ba ang beauty contest? Ano ba ang marurumi at malilinis na bagay sa beauty contest?
“Maraming masasaktan dahil maraming matatamaan, pero iyon naman ang totoo.
“Based ito sa isang news story na isang beauty queen na namatay. ‘Di ba, may mga ganoong istorya? Batay ito sa istoryang iyon pero hindi ito istorya niyong beauty queen na namatay na ‘yon, inspired lang,” paliwanag ni direk Joel.
Ang All About Her ay mula sa screenplay ng aktres ding si Quinn Carrillo at magkakaroon ng gala premiere sa March 23, 5:00 p.m. sa Gateway Cinema 17.
Ang entries ng Sinag Maynila 2026 (Sine Lokal, Pang-International) ay ipalalabas sa Gateway Cinemas (Cubao, Quezon City), Eastwood Cinemas (Libis, QC), Uptown Cinemas (BGC, Taguig City), Venice Cineplex (McKinley Hill, Taguig City), at Lucky Chinatown Cinemas (Binondo, Manila).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com