ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IBINALITA sa amin ni Junar Labrador na muli niyang gagampanan ang papel na Pontio Pilato sa play na “Martir Sa Golgota” na pinamamahalaan ni Direk Lou Veloso.
Message sa amin ni Junar sa FB, “Balik Pilato po ako for this year’s Martir Sa Golgota. Wala pang exact dates pero may mga ini-schedule na like sa Metropolitan Theater care of Manila government, sa General Trias, at siyempre sa Sta. Ana.”
Pahabol pa niya, “May mga wino-workout pa pong mga venue…
“Ang gaganap na Kristo ngayon ay ang nagbabalik na si Raymond Keannu, dating action star na according kay direk Lou Veloso ay nag- Kristo na noong late 90s.”
Pang ilang labas na niya sa naturang stage play na ginaganap annually?
Aniya, “Bale, 11th year ko na po ito, nag-start ako noong 2016… na-portray ko na po ang karakter ni Annas, Caiphas, Dimas, at Pilato.”
Inusisa namin siya kung ano ang pinakamahirap gampanan sa apat na iyon?
Saad ni Junar, “Ang pinakamahirap siguro ‘yung Dimas…kasi nasa taas ka, nakapako sa krus. So, hindi ka puwedeng gumalaw ng mga unnecessary moves, bawal magkamot kapag may makati sa katawan, hehehe.”
Ano naman ang pinaka-challenging na role na natoka sa kanya?
“Pinaka-challenging siguro para sa akin, parehas ‘yung Caiphas at Pilato… bukod sa mahabang linyang dapat makabisado sa papel nila, kasi iyon ‘yung portrayal ng isang tao na kontra sa mga gawain ni Hesus, na sa totoong buhay ay siyempre hindi tayo ganoon.”
Ano usually ang preparation niya kapag sumasabak sa Senakulo? Kumusta ang reactions ng audience, lalo na after ng show?
“Sa preparation naman po, usually pinapanood ko ‘yung mga biblical movies, medyo ginagaya ko mga action ng mga roles doon na gagampanan ko. Puwera pa ‘yung pag-prepare ko po kung paano ang magiging itsura ko, kung magpapatubo ba ako ng balbas? Iyong mga ganoon po.
“Natutuwa naman po ako sa mga audience kasi naa-appreciate nila ‘yung nagawa kong role. Buti wala pang nagalit sa akin sa crowd… magpapa-picture pa sila pagkatapos ng play,” nakangiting sambit ni Junar na by profession ay isang architect.
Saan siya mas nae-excite, sa pag-arte sa teatro o sa pelikula?
“Siguro po pareho akong nae-excite sa dalawa, kasi magkaiba po ang pakiramdam na mag-perform nang live sa harap ng audience at ‘yung pakiramdam na umaarte ka sa harap ng camera,” wika pa ni Junar.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com