QUEZON CITY — Inanunsyo ng Task Force Kasanag (TFK), sa pangunguna ni Dr. John J. Chiong, ang paghahain nito ng mga reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA), ilang pribadong kontratista, at dating mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ginawa ang anunsyo sa isang press conference na ginanap nitong Huwebes sa Max’s Restaurant, Quezon City Circle.
Sa reklamong tinanggap ng Ombudsman noong Marso 4, 2026, pinangalanan bilang mga respondent sina NIA Administrator Engr. Eduardo Eddie G. Guillen, BAC-A Chairman Engr. Robert C. Suguitan, at lahat ng miyembro ng NIA Bids and Awards Committee-A (BAC-A) kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Republic Act No. 7080 (Plunder), at Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Pinangalanan din bilang mga pribadong respondent ang Sta. Clara International Corporation at ang consortium ng IGWT-JAV Construction & Development Corporation / China International Water & Electric Corp.
Ayon sa Task Force Kasanag, nagmula ang reklamo sa umano’y mga iregularidad sa proseso ng procurement at implementasyon ng mga multi-bilyong pisong proyekto sa irigasyon, kabilang ang bid manipulation, manifest partiality, extortion, at grave abuse of authority, na maaaring nagdulot ng malaking pagkalugi sa pamahalaan.
Sa hiwalay na reklamo, naghain din ang TFK ng kasong graft at plunder laban kina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Undersecretary Ador Canlas, at Undersecretary Emil Sadain, kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa malalaking proyektong pang-imprastraktura noong kanilang panunungkulan.
Ayon kay Dr. Chiong, bahagi ang paghahain ng mga kasong ito ng patuloy na adbokasiya ng Task Force Kasanag para sa transparency, pananagutan, at integridad sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang mga reklamo ay kasalukuyang nasa pagsusuri ng Office of the Ombudsman para sa nararapat na aksyon. (BONG SON)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com