ARESTADO ang dalawang drug suspects kabilang ang 18-anyos dalagang itinuturing bilang high value individual (HVI) at 20-anyos na kasabwat sa isinagawang buybust operation na nakuhaan ng aabot sa P435,000 halaga ng shabu, Sabado ng umaga sa Caloocan City.
Sa ulat na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, positibo ang natanggap na impormasyon ng kanyang mga tauhan hinggil sa sinabing illegal drug trade ng suspek na si alyas Lyn.
Agad na ipinag-utos ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, na isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buybust operation laban kay alyas Lyn, sa koordinasyon sa PDEA.
Hindi nakapalag ang suspek nang posasan ng mga operatiba ng SDEU, kasama ang kasabwat nitong 20-anyos lalaki makaraang bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Barangay 188.
Nakompiska sa mga suspek ang tinatayang 64 grams ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P435,000, buybust money, at cash na pinaniniwalaang kinita sa droga.
Sinampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor Office sa pamamagitan ng Inquest proceedings. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com