RATED R
ni Rommel Gonzales
MAHUSAY na aktor pero aminado si Zaijian Jaranilla na nahirapan siya sa papel niya bilang si Ryan sa I’m Perfect.
“Hindi ko alam kung paano siya aatakihin,” pagtukoy niya sa papel niya bilang nakababatang kapatid ni Jiro (Earl Amaba) na may Down Syndrome.
“Pero gusto ko lang din i-share ‘yung unang-unang pagkikita namin ni Kuya Earl.
“Parang pagkakita ko sa kanya, pagkapasok ko pa lang sa room, tinawag na agad niya ako sa pangalan ko na Ryan, hindi Zaijian.
“Nandoon na agad ang connection na para bang matagal na kaming magkakilala.
“Kahit po si Krystel [Go], si Jessica, nandoon na rin ‘yung closeness namin.
“Kasi sinasabi niya sa akin palagi, ‘Uy! pinanonood kita dati lagi sa ‘May Bukas Pa.’ Si Santino. Ngayon, magkatrabaho na tayo.’
“Parang nakakataba ho ng puso. Nawala ‘yung pagkaalinlangan ko sa sarili ko na, ‘Paano ko ba gagawin ito?’
“Parang sila ‘yung lumapit talaga sa akin. Kasi gaya nga po ng sinasabi nila, hindi naman sila natural born actors at first time din nilang gawin itong ganitong pelikula.
“So, mahirap talagang ituro agad-agad. Mahirap ituro basta-basta. Pero madali nilang napi-pick up iyon.
“At extra work din sa akin off cam. Kasi nga po, bilang magkapatid, kailangan na makita agad on screen na ‘okay, magkapatid sila, mayroon silang ganoong relationship.’
“Pero hindi po ako nahirapan na mag-build ng ganoong relationship. Kasi, sa set nga ako lang ‘yung pinakabata.
“Kami ‘yung laging naglalaro. ‘Pag sasayaw sila, sasayaw din ako, ganyan. Kami po talaga ‘yung nagdya-jive.
“Tapos in terms naman sa eksena, honestly mahirap talaga dahil minsan hindi sila nakapagsasalita ng maayos. Paulit-ulit sa audio.
“At saka maikli ang attention span nila. Minsan, kailangan ‘yung instruction ni direk… biglang nawawala sa isip nila.
“Pero mas lumawak ‘yung pang-unawa ko, mas humaba ‘yung pasensya ko. Kasi, mas naiintindihan ko sila na, ‘Okay, kaya natin itong gawin kahit nagkakamali tayo, kahit paulit-ulit lang. Basta matapos natin ito.’
“Tapos ‘pag nakita mo ‘yung eksena, sobrang magical.
“At ‘yung lagi ko pong sinasabi rin, first take, susundin nila iyong instruction ni direk. Tapos second take, mayroon silang ibibigay na sarili nilang interpretation.
“So, magugulat ka na lang at makikita roon sa camera na ‘Okay, ‘yung reactions namin, na nakagugulat talaga.
“Nakakaya nilang gawin iyon, na may maibibigay pala silang ganoon.
“Ang saya lang po sa puso ko na makatrabaho sila.”
Nasa pelikula rin sina Sylvia Sancez, Lorna Tolentino, Tonton Gutierrez, Joey Marquez, Janice de Belen, Joel Saracho, Myke Salomon, at Viveika Ravanes.
Sa direksiyon ni Sigrid Andrea P. Bernardo. ang I’m Perfect ay official entry sa Metro Manila Film Festival 2025 ngayong December 25. Prodyus ng Nathan Studios.
Gaganapin ang premiere night nito sa December 21, sa SM North EDSA sa Quezon City.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com