ni Allan Sancon
TODO-ABANG ang moviegoers sa pagbabalik ng barkadang abogado sa Bar Boys After School, entry ng 901 Studios sa 51st Metro Manila Film Festival na idinirehe ni Kip Oebanda.
Showing na sa December 25, 2025, bitbit ang mas matinding drama, tensyon, at katotohanan sa mundo ng batas ang dala ng Bar Boys After School.
Kompletos rekados ang cast na sina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda, Kean Cipriano, at siyempre ang paboritong Odette Khan bilang Dean Felicidad. Hatid din ng pelikula ang mga bagong pasabog na sina Therese Malvar, Emilio Daez, Benedix Ramos, Sassa Gurl, Will Ashley, Klarisse De Guzman, at Bryce Eusebio na nagbibigay-sigla sa bagong yugto ng kuwento.
Iikot ang pelikula sa buhay ng apat na Bar Boys matapos maging abogado. Kung noon ay libro at kodigo lang ang kalaban, ngayon ay moral issues, political pressure, at totoong gulo sa legal profession ang haharapin nila. May isang malaking kasong magdurugtong muli sa kanilang landas—at magtatanong sa kanila kung sino ba talaga sila bilang mga taong nasa batas.
May pa-hugot ang bida! Sabi ni Carlo, “Mas mabigat, mas totoo, mas nakayayanig.”
Hirit naman ni Rocco, “Hindi lahat ng tagumpay may kinang—minsan puro pasa.”
Dagdag ni Kean, “Ito ang adulting sa pinakamabangis nitong anyo.”
Wika naman ni Ms Odette: “Ang batas ay hindi laro—paninindigan ito.”
At ayon sa direktor na si Kip, “Ito ang buhay pagkatapos ng pangarap—masakit, magulo, pero kailangan harapin.”
Tutukan ang Bar Boys After School, tiyak magiging crowd favorite ngayong MMFF 2025!
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com