IMBES kapiling ng pamilya matapos ang mahabang buwan ng paglalayag sa laot, nauubos sa pagdalo sa mga refresher training courses ang bakasyon ng mga seafarer o seaman.
Ito ang tahasang sinabi ng mga Pinoy seafarer na tulad ng mga marine engineer at deck officer, ang kanilang bakasyon ay nauubos sa pagdalo sa mga refresher training courses.
Idinulog ang usaping ito ng mga Maritime officer na nasa bakasyon kay Senador Erwin Tulfo na agad ipinabatid kay Senador Raffy Tulfo, Chairman ng Senate committees on public services at migrant workers.
Tiniyak ni Tulfo na maghahain siya ng isang Resolution na nananawagan sa Maritime Industry Authority (MARINA) sa pangunguna ni Administrator Sonia B. Malaluan at sa Department of Migrant Workers (DMW) sa pangunguna ni Secretary Hans Leo J. Cacdac na repasohin ang pagsasagawa ng mga training courses at ipatupad ang online refresher courses upang mapagaan ang pasanin ng mga Filipino seafarer.
“Hinihiling ng mga seafarer na gawing available online ang mga refresher courses imbes kailangan nilang pumasok sa training center araw-araw tuwing wala silang duty,” ani Tulfo.
“Binanggit nila ang araw-araw na gastos sa transportasyon, gasolina, at pagkain — bukod pa sa katotohanang hindi nila nakakasama ang kanilang mga pamilya,” dagdag ni Tulfo.
Ang mga refresher courses ay nakauubos nang maraming oras kasama na ang paglalakbay ng mga seafarer papunta sa training centers.
“Ang tunay na tanong dito ay bakit kailangan pa nilang pumunta sa paaralan nang harapan kung ang refresher o management courses na puwedeng gawing online?” karagdagang tanong ng bagong Senador.
Ayon kay Sen. Raffy Tulfo, “Imbes makasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay sa bakasyon, sila ay nasa paaralan… hindi ito patas sa kanila.”
“Ang mga kursong ito ay dati nang pinapayagang gawing online. Bakit nagbago ang mga patakaran?” karagdagang tanong ni Sen. Raffy Tulfo. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com