MA at PA
ni Rommel Placente
ANG mahusay na komedyante at TV host na si Roderick ‘Kuya Dick’ Paulate ang pinarangalang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award sa katatapos na 39th PMPC Star Awards For Movies, na ginanap noong Linggo ng gabi sa Widford Resort and Casino,
Bago ang parangal kay Kuya Dick ay ipinakita muna sa video ang ilan sa mga nagawa niyang pelikula sa loob ng 58 years sa showbiz.
O ‘di ba, bongga si kuya Dick, ang tagal niya na sa showbiz pero hanggang ngayon ay active pa rin ang kanyang career. ‘Yun ay dahil sa pagiging professional niya, na hindi siya kailanman naging sakit ng ulo ng produksiyon sa mga serye at pelikulang ginagawa. At ang pagiging magaling niyang makisama sa lahat ng nakakatrabaho niya.
Sa acceptance speech ni Kuya Dick, hindi niya nakaiimutang pasalamatan si Nora
Aunor dahil nga Nora Aunor Ulirang Artista Lifefime Achievement Award ang iginawad sa kanya.
Laking pasasalamat ni Kuya Dick kay ate Guy, dahil isinama siya nito noon sa pelikulang Alkitrang Dugo, na produced ng NV Films ng National Artist.
Pinasalamatan din ni Kuya Dick ang yumaong aktor na si Fernando Poe Jr., na aniya, ay malaki ang utang na loob niya.
Ang unang pelikulang ginawa niya kasi, ay si FPJ ang kumuha sa kanya, sa pelikulang Matimbang Ang Dugo sa Tubig, na gumanap siya rito bIlang young FPJ.
Pinasalamatan din ni kuya DIck ang yumaong si Mother Lily Monteverde, ang producer ng Regal Films, dahil sa maraming pelikulang ibinigay sa kanya nito noon, na isa na rito ang Jack En Poy: Hale-Hale Hoy, na pinagsamahan nila ng best friend na si Maricel Soriano.
Hindi rin nakalimutang pasalamatan ni Kuya Dick ang mga tagasuporta/fans niya, na aniya, kung hindi dahil sa mga ito, ay walang Roderick Paulate sa showbiz.
Congratulations Kuya Dick.