SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAKAIBANG experience para kay Mon Confiado ang maging isa sa pitong hurado sa Blvck Scriptwriting Contest 2024 bagamat hindi ito first time na ginawa niya.
Sa pakikipag-usap namin kay Mon noong Biyernes bago ang announcement ng mga nagsipagwagi sa 150 scripts na natanggap nila, sinabi ni Mon na, “kakaibang experience ito pero hindi ko first time na mag-judge though malaki ito.
“Medyo napagod kami sa pagbabasa na kailangan mong gawin otherwise parang ‘yung judging mo walang basehan.
“Natapos ko talagang basahin lahat kasi excited ako pero noong una hindi ko pa alam masyado ang rule pero kahit ang treatment ay stage play tinapos ko, kaya lang madi-disqualify, kasi nga hindi iyon ang hinahanap, sayang,” pagbabahagi ni Mon.
Natanong si Mon kung pinangarap ba niyang maging scriptwriter o director in the future at sinabi nitong hindi. “Hindi eh pero nagsusulat ako pang-sarili lang. Mahilig lang akong mag-collaborate for my character, nagbibigay inputs, nagtatanong kung ano ba inputs?
“Pero baka hindi ko pa rin tahakin ‘yung pagiging scriptwriter o director kasi may mga genius talaga para riyan.
“Ang focus ko talaga acting eh, ibigay na natin sa genius ‘yan. Artista lang talaga ako,” giit pa ni Mon.
Samantala, kapuri-puri ang ginawang pagpapahalaga ng mag-asawang Engineer Louie at Grace Cristobal sa mga scriptwriter.
Ito’y bilang pagpupursige ng Blvck Entertainment at Blvck Films sa paggawa ng mga pelikula ngayong taon.
Dito nga ay nagkaroon ng idea sina Engr. Louie at Grace na mag-organisa ng bagong paligsahan sa pagsulat ng script. Sa tulong ni direk Roman Perez, Jr. na kinomisyong Project Creative Director, ang idea ay naging ganap na gumana at pinangalanang Blvck Entertainment Scriptwriting Contest. Ang kompetisyon ay naglalayon na magbigay ng isang bagong paraan para patuloy na magbigay ng inspirasyon sa lahat ng naghahangad at propesyonal na mga manunulat na lumikha ng higit pang mga kuwento para sa mainstream na Philippine cinema o digital streaming content.
Sabi nga ni Engr. Louie, kinausap sila ni direk Roman para sa proyektong ito at nakita niya ang pagpapahalagang gustong ibigay ng direktor sa mga scriptwriter.
“Nakita namin ‘yung magandang advocacy na sinasabi ni direk Roman kaya naman napapayag kaming mag-asawa. Gusto rin namin makatulong at maging bahagi ng pelikulang Filipino,” ani Engr Louie.
Layunin din ng proyekto na hikayatin ang mga batang manunulat ng senaryo na ituloy ang kanilang mga pangarap na maging isang filmmaker sa pamamagitan ng mga kwentong kanilang nilikha. Layunin din ng patimpalak na linangin ang mga kuwentong sumasalamin sa umuunlad na kulturang Filipino.
Nakuha ni Mario M. Banzon ang 1st place para sa kanyang entry na Tres Marias; Joseph Abello, 2nd place sa entry niyang Chester’s Eight Birthday Party; at si Dustin Celestino, 3rd place para sa kanyang Supremo entry.
Ayon sa Blvck Entertainment bukod sa P100k na premyo, ipo-produce nila ang Tres Marias sa ilalim ng kanilang Blvck Films.
Nakakuha ang 2nd Place ng P50,000 at ang 3rd Place ay P30,000. Ang pitong nakasama sa 10 finalists ay nabigyan din ng tig-P10,000 bilang consolation prizes.
Sinimulan ang pagpapadala ng mga entry noong Abril at mahigit 150 entries ang natanggap nila. At mula sa 150 pumili ng 10
finalists ang panel of judges pagkatapos ng ilang linggong deliberasyon
Pasok sa top 10 finalists sina Joseph Abello – Chester’s Eight Birthday Party; Gian Arre – Habang Tulog Ang Mundo; James Ambito – Memories of the Forgotten; Mario Banzon – Tres Marias; Ronald Batallones – Mento; Nash Casiño – Drifters of Britannia; Dustin Celestino – Supremo; Paul Singh Cudail – Huling Korona; Kristofer Ted Navarro – Grrrbage; at Abet Pagdagdagan Raz – Little Miss Hope.
Ang panel of judges bukod kay Mon ay binubuo nina Erick Castro, Zig Dulay, John Carlo Pacala, Roman Perez, Jr., Ronald Rios, at Raffy Tejada.
Sa kabilang banda ipinangako naman ni Engr Grace na ipagpapatuloy ng Blvck Entertainment ang patimpalak na ito taon-taon.
Ang kaganapang ito ay ginawang posible ng Alkaviva Waters Philippines, GLC Infinite Waters International, Grace Electronics Philippines, Blue Green Dragon Marketing, LG Realty Development,at Blvck Creatives Studio.