I-FLEX
ni Jun Nardo
PISTA ng Holy Trinity kahapon sa lugar namin sa Balic-Balic, Sampaloc.
Kaya naman kanya-kanyang tayo ng stage sa kalye sa sakop na barangay. May singing contest, gay contest, at kung ano-ano pang pakulo sa kalye.
Pinuntahan namin ang barangay ng kaibigan naming si Chairman Janet Alcoran at may live band kaming naabutan. Street party ang naganap kahit umuulan.
Pero alam ng kabataan ang kanta ng ilan sa banda, huh! Pero hindi ito pamilyar sa amin.
Nalaman naming sikat pala sa Tiktok ‘yung tumugtog at kumanta. Special guest daw sa gabing ‘yon ang tinaguriang Pambansang Yoybab na anak ng kaibigan ni Chairman. Siya ‘yung super lusog na sumikat sa lakas kumain at napapanood na sa TV paminsan-minsan.
Feeling namin, nababawasan na ng raket kapag fiesta ang ilang artista, singers o performers dahil sa Tiktokerists, huh!