RATED R
ni Rommel Gonzales
MAY panawagan si Xian Lim sa mga boss ng GMA Network.
Matagal na kasi niyang pangarap na makapagdirehe ng isang teleserye, kaya sa paglipat ni Xian Lim sa GMA, matapos magsunod-sunod ang mga proyekto niya bilang artista, nais naman niya sana na mabigyan ng chance ng Kapuso Network na maging direktor ng isang serye.
“Sana po, nananawagan po ako sa mga boss,” ang tumatawang pakli ni Xian nang makausap namin kamakailan.
Bilang artista, paglipat ni Xian sa GMA ay binigyan agad siya ng project, ang Love. Die. Repeat. pero naudlot iyon dahil nabuntis si Jennylyn Mercado na leading lady ng serye.
Pero binigyan agad si Xian ng kapalit na show, ang False Positive at pagkatapos ay sinundan iyon ng Hearts On Ice.
And after three years, ngayong Enero ay umere na ang Love. Die. Repeat. na sina Xian at Jennylyn pa rin ang mga bida.
Lahad ni Xian, “And hopefully po, sana, sana more projects pa po in terms of being behind the camera, as a director.
“Aside from acting, masayang -masaya po ako behind the camera. Alam ‘yan ni direk Jerry, palagi akong nagtatanong sa kanya, ‘Direk, ang saya naman diyan behind the camera, ano na nangyayari riyan?’”
Si Jerry Lopez Sineneng (at si Irene Villamor) ang direktor ng kanilang serye ni Jen.