MA at PA
ni Rommel Placente
INAMIN ni Rio Locsin sa panayam sa kanya sa Fast Talk With Boy Abunda na nabubuwisit siya sa ilang mga kabataang artista na nagse-cellphone kahit nasa set at nagre-rehearsal.
Hindi kayang i-tolerate ni Rio ang ganitong ugali ng mga nakakatrabahong youngstars dahil feeling niya hindi sineseryoso ng mga ito ang kanilang trabaho.
Sabi ni Rio, “Naiirita o naiinis ako talaga kapag may telepono sa set. Kapag may cellphone sa set, kapag nagre-rehearse na, nagbibigay na ng instruction. Ako kasi wala akong telepono sa set. Respeto rin sa kaeksena mo, ‘di ba? Parang, ‘yung isa handa tapos ikaw hindi kasi may kausap ka.
“O, nagri-ring ang telepono mo nasa bulsa kasi paano ba ‘yon? Eh ‘di sana umuwi ka muna, nakipag-usap ka,” seryosong sabi ng aktres.
Kung may ikinatutuwa naman si Rio sa mga nakakatrabaho niyang youngstars, ‘yan ay ‘yung mga kusang lumalapit at nagpapakilala sa kanya.
“Kapag hindi siya lumalapit sa akin para makipag-usap, hindi ako lalapit sa kanya.
“Kapag ang batang artista lumapit sa akin, ‘halika anak mag-usap tayo.’ Kasi mahirap naman na ako ang mangunguna.
“Pero kapag nagpakilala kayo at gusto n’yo makipag-usap sa akin, welcome na welcome kayo sa akin.
“Sinabi ko sa kanila, ‘pasensya na kayo, senior na.’ Hindi ko lahat kilala ang mga batang artista hangga’t hindi ko nakakatrabaho.
“Pero kapag nagpakilala kayo at gusto n’yo makipag-usap sa akin, welcome na welcome kayo sa akin,” sey pa ni Rio.