SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PANAY ang pagtulo ng luha ng baguhang mang-aawit na si Dindo Caraig sa sorpresang birthday party na isinagawa ng TAK Charity Foundation sa pangunguna ng TAK Founder at manager niyang si Mommy Merly Peregrino sa Bragais Flagship Store sa Quezon City noong August 29, 8:00’p.m..
Bumuhos ang napakaraming cake at pagkain mula sa iba’t ibang supporters ni Dindo tulad ng TAK Philippines, TAK Singapore, Tak Japan, at marami pang iba na hindi na namin matandaan dahil sa dami nila.
“Kain pa kayo hindi pa nabubuksan ang isang lechon,” sabi sa amin ni Mommy Merly na abalang-abala sa pag-aasikaso ng mga bisita.
Ayon sa mga host noong gabing iyon na sina Jana Chuchu (John Fontanilla) at Joey Austria first time nag-celebrate ng ganoon kagarbo si Dindo kaya naman sobra itong na-touch sa mga nag-abala at nakaalala sa kanyang kaarawan lalo na sa kanyang manager na si Mommy Merly na talaga namang ginagawa ang lahat mabigyan lang ng magandang career ang alaga.
Naging bisita at nagbigay ng kani-kanilang awitin sa birthday ni Dindo sina Sarah Javier, Laverne Arceo, at Sye. Nagbigay naman ng isang magandang sayaw ang isang member ng TAK. Lalong nabagbag ang damdamin ni Dindo sa 25 mins VTR greetings na nagmula sa iba’t ibang TAK members around the globe.
At siyempre hindi mabubuo ang birthday ni Dindo kung hindi niya iparirinig ang carrier single na Naghihintay, na ngayo’y isa na sa kinagigiliwang awitin. Ang awiting Naghihintay ay komposisyon ng singer at Baranggay LSFM DJ na si Papa Obet at available na sa lahat ng streaming app. Kaya download na!
Pagkaraan ng mga kantahan at sayawan nagkaroon din ng picture taking si Dindo sa lahat ng mga dumalo sa kanyang kaarawan.