ni JOHN FONTANILLA
ISANG malungkot na balita para sa industriya ang pagpanaw ng isa sa well loved, napakabait, at generous na broadcaster na si Sir Mike Enriquez, ang boss namin sa DZBB at Barangay LSFM 97.1.
Hinding-hindi ko makalilimutan ang kabutihan at generosity ni Sir Mike na siyang naging dahilan kung bakit ako napasok sa radio. Naalala ko pa nang minsang maimbitahan ako ng yumaong German “Kuya Germs” Morenosa kanyang program noon sa DZBB 594, ang Walang Siyesta.
At habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan sa radio ay nakikinig pala sa kanyang opisina si Sir Mike at biglang bumaba at pumasok sa booth ng DZBB. Na-starstruck ako dahil first time kong nakita ng face to face si Sir Mike at nagsalita ng, “’Wag ka na malungkot Kuya Germs may partner ka na sa program mo.”
Na sinagot naman ni Kuya Germs ng, “sSino?,” habang ako naman ay nakikinig.
Sagot naman ni Sir Mike,” Si John, kausapin mo na ‘yan, simula bukas at sa mga susunod na araw siya na makakasama mo, okey naman tandem niyo,” na labis kong ikinagulat.
Kaya naman sa harap ni Sir Mike ay sinabihan ako ni Kuya Germs ng, “Oh si Sir Mike na ang nagsabi na simula bukas ikaw na ang kasama ko sa program.”
Na sinagot ko naman ng, “Naku kuya Germs hindi po ako nagra-radio.”
Sabay sabi ni Sir Mike ng, “Kuya Germs kausapin mo si John.” Sabay alis nito at bumalik na sa kanyang opisina.
At doon na ako kinausap ni Kuya Germs ng, “Pumayag ka na para may kasama na ako, masasanay ka rin mag-radio, bukas ha mag-ready ka lang ng showbiz news.”
At hindi na ako nakatanggi at doon na nagsimula ang career ko bilang anchor ng DZBB at binansagan ako ni Kuya Germs ng Janna Chu Chu.
Later on ay kinuha naman ako ng Barangay LSFM 97.1 n kinausap ako ulit ni sir Mike.
“Janna kinukuha ka ng Barangay LS, pero sa Sabado at Linggo lang kasi may Monday to Friday ka na. Okey lang ba sa ‘yo wala ka ng pahinga mula Lunes hangang Linggo na ang trabaho mo?”
Na mabilis ko namang sinagot ng, “Opo,” dahil excited at gusto kong masubukan naman ang pagiging DJ.
Noong una ay ayaw pa ni Sir Mike dahil hindi ito pumapayag na tumawid ang mga anchor sa FM at ang mga DJ naman sa AM. Kaya naman masuwerte ako dahil ako lang daw ang kauna-unahang pinayagan nitong makatawid from AM to FM.
Kaya naman maraming-maraming salamat Sir Mike… Hanggang sa muling pagkikita.