MA at PA
ni Rommel Placente
NAG-VIRAL at trending pa sa social media ang naging hirit ng beteranong news anchor na si Noli de Castro sa closing spiels niya sa TV Patrol noong July 28, tungkol sa pagpapakasal nina Maine Mendoza at Arjo Atayde habang nananalasa ang bagyong Egay sa Baguio City.
“Kayo habang ikinakasal, kawawa naman ‘yung mga binabagyo,” ang comment ni Noli.
Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ni Kabayan nang dahil dito. Wala raw sa lugar ang naging pahayag ng broadcaster kaya sana raw ay mag-sorry ito kina Arjo at Maine at sa publiko.
Nang makarating din ito kay Joey de Leon, na isa sa ninong sa kasal nina Arjo at Maine, ay sinupalpal nito si Noli.
Nag-post ang TV host-comedian sa social media platform na X, ang tawag ngayon sa dating Twitter, tungkol sa mga umeepal na nagsabing hindi raw dapat nagpakasal sina Maine at Arjo sa kasagsagan ng bagyong Egay.
Mababasa sa X post ni Joey kalakip ang wedding photo ng ArMaine ang mga katagang, “Sa mga kababayan nating ume-epal na hindi raw dapat nagpakasal ang dalawang ito dahil binabagyo raw ang bayan, eto lang ang masasabi ko—naunang nagplano sina Menggay kaysa kay Egay!
“Wala silang kasalanan kundi ang unang limang letra ng ‘kasalanan’—KASAL!” ang hirit pa ni Joey.
Bukod dito, nagsalita rin ang movie icon sa programa nilang E.A.T. sa TV5 habang nagbibigay ng congratulatory message sina Vic Sotto at Tito Sotto kinaMaine at Arjo.
“Mayroong mas malala kay Egay, ‘yung epal, kaya mag-ingat kayo,” ang tila pagbabanta pa ni Joey.
Walang binanggit na pangalan si Joey sa kanyang social media post at sa E.A. T, pero naniniwala ang mga netizen na para kay Noli talaga ang mga patutsada niya.