SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DINIDINIG pa rin pala hanggang ngayon ang kasong isinampa ng tinaguriang Soft Rock Diva na si Rozz Daniels laban kay OPM singer, si Ivy Violan sa Wisconsin, USA.
Sinampahan ni Rozz ng claim suit si Ivy dahil hindi umano nito natupad ang usapan nilang gagawan siya ng pitong kanta gayung nakapagbigay na sila ng P500,000.
Ani Rozz sa isinagawang presscon noong Linggo, isang kanta lang ang nagawa ni Ivy sa pitong kantang usapan nila.
Nasa Pilipinas ngayon si Rozz para sa kanyang concert na isinagawa noong Linggo rin sa Music Box, ang The Rocks and Rozz Show na tinampukan din nina Irelyn Arana, Harold, Jerome, at Derf Dwayne.
“Sa ngayon, it’s still ongoing . Ang next hearing is on June 14,” aniya pa at sinabing may tatlong hearing pa sila.
“Hindi ko sana gagawin (magdemanda) pero I just want na matigil ang ginagawa niya, hindi lang para sa akin, para sa kaibigan ko, at sa lahat ng nagawan ng ganito. I think, it’s a moral lesson na hindi lahat natatakot kapag tinatakot,” giit ni Rozz.
Samantala, ang The Rocks and Rozz Show na tampok sina Rozz at Irelyn ay napapanood sa KUMU tuwing Saturday.