WALA nang buhay nang matagpuan ng isang scavenger ang isang bagong silang na sanggol na nakasilid sa isang styrobox sa isang sanitary landfill sa lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon, nitong Biyernes, 3 Pebrero.
Nabatid na nadiskubre ni Alvin Bongot, isang scavenger, ang sanggol at iniulat ito sa sanitary landfill manager na si Ulpiano Fedencio Tabernilla na siyang nakipag-ugnayan sa Lucena CPO.
Binendisyonan ang lalaking sanggol, na hindi pa napuputol ang pusod, ni Fr. Noel Cabungcal ng Parokya ng San Isidro, sa Brgy. Ibabang Dupay bago inilagak sa kanyang huling hantungan sa New Lucena Public Cemetery.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng ina ng sanggol.