NEW YORK–Maraming katangian si Canelo Alvarez pagdating sa pakikipaglaban sa ring pero hindi naniniwala si Gennadiy Golovkin na nakagigiba ang suntok ng kanyang karibal.
Naitala ni Golovkin ang nag-iisang talo niya sa kabuuan ng kanyang boxing career sa kamay ni Alvarez sa rematch nila noong 2018. Nanalo si Canelo via majority decision. Ang una nilang laban noong 2017 ay nagtapos sa ‘controversial draw.’ Maghaharap sa ikatlong pagkakataon ang dalawa na mangyayari sa 168-pound limit, na kung saang dibisyon ay hawak ni Alvarez ang apat na major belts.
Sa naging press conference sa Manhattan para sa promosyon ng trilogy sa Setyembre 17 na magaganap sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, sinagot ni Golovkin ang katanungan tungkol sa lakas ng kamao ng Mexican superstar.
Si Alvarez ay hindi tipikal na isang ‘knockout artist’ sa mayorya ng kanyang career ayon sa mga boxing experts pero masyado siyang nag-imprub sa timbang na 168. Pinatulog niya sa nasabing dibisyon sina Billy Joe Saunders at Caleb Plant at ang dating 175-pound titlist Sergey Kovalev.
Pero iba ang pananaw ni Golovkin. “I fought Canelo at 160 and I could say he was a faster puncher, he had faster combinations but I wouldn’t say they were power punches, knockout punches,” pahayag ni Golovkin sa grupo ng reporters. “You saw that. You saw his clean shots that brought no result.”
Pagpapatunay ni Golovkin sa kanyang sinabi na hindi siya nagawang pabagsakin ni Alvarez sa kanilang naunang dalawang laban.