TATLO katao na pinaniniwalaang tulak ng ipinagbabawal na droga, kabilang ang isang babae ang naaresto matapos malambat sa magkakahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, dakong 12:20 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo ng buy bust operation sa M. Fernando St., Brgy. Tangos South.
Nang tanggapin ang P500 marked money mula sa isang pulis na umaktong poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad sinunggaban ng mga operatiba sina Demetria Ochoa, alyas Rhea, 33 anyos, ng Brgy. Tangos South, at Ronie Idos, 43 anyos, ng Brgy. Daanghari.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa pitong gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P47,600 at marked money.
Dakong 1:30 am naman nang madakma ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Oliveros St., Brgy. Tangos North si Arnold Villanueva, alyas Boy Duling, 58 anyos, residente sa R. Domingo St., ng nasabing barangay.
Nasamsam kay Villanueva ang tinatayang 6.5 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P44,200 at P300 buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)