ARESTADO ang isa sa mga nakatalang most wanted persons sa Nueva Ecija sa inilatag na manhunt operations ng pulisya laban sa mga krminal na nagtatago sa lalawigan, nitong Lunes ng umaga, 6 Hunyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Jess Mendez, acting provincial director ng Nueva Ecija PPO, nagsagawa ang magkasanib na mga elemento ng Talavera MPS, 1st at 2nd PMFC, 303rd MC RMFB3, CIDG PFU, at PIU ng Manhunt Charlie Operation sa Brgy. Pag-asa, sa bayan ng Talavera, dakong 11:30 am kamakalawa.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Nelson Dela Cruz, 35 anyos, residente sa Brgy. Caputican, sa nabanggit na bayan, at nakatala bilang Top 5 MWP sa municipal level ng Talavera at Top 10 MWP sa provincial level ng Nueva Ecija.
Nabatid, ang akusado ay miyembro ng notoryus na Dela Cruz Crime Group na dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Robbery at kasalukuyang nasa kustodiya ng Talavera MPS habang inihahanda ang kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)