SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
AMINADO si Carlo Aquino na walang timeline sa pagmo-move-on. Ito ang nilinaw niya sa press conference ng pinakabago niyang project sa ABS-CBN, ang original digital series na How To Move On In 30 Days na pinagbibidahan nila ni Maris Racal at mapapanood sa Youtube.
Maaliwalas ang mukha ni Carlo nang makaharap namin ito noong Miyerkoles at tila walang bahid na may problema siya sa kanyang lovelife.
Kaya nang matanong ito kung mabilis ba siyang maka-move on sa break-up, sinabi niyang, “Parang walang timeline, eh. ‘Yung moving on, parang proseso ‘yan. In time, mawawala siguro. Mawawala na lang siya eventually. Minsan nga, hindi mo alam, naka move-on ka na pala,” ani Carlo.
Sinabi pa niyang masaya ang buhay niya ngayon lalo’t madalas niyang nakakasama ang anak na si Baby Mithi.
Maayos ang set-up nila ni Trina Candaza sa kanilang anak. May mga araw na nakakasama niya ang anak para makapag-bonding sila.
Samantala, paano kaya masasabing naka-move na sa isang hindi nagtagumpay na relasyon ang isang Carlo Aquino?
“Tanggap mo na lahat ‘yung sitwasyon, kung ano ‘yung nangyari sa inyo at kung bakit nangyari ‘yun. Kumbaga mayroon ka nang eksplanasyon sa sarili mo na tatanggapin mo tapos magmu-move on ka na. Okay na ‘yun. Next.”
“Talagang kailangan mong i-surround ‘yung sarili mo sa mga taong magsa-shower sa ‘yo ng pagmamahal. ‘Yung mga kaibigan, ‘yung pamilya mo,” anito.
Ukol naman sa kung nagbibigay ba siya ng second chance sa nakahiwalay, sinabi ni Carlo na, “Siguro depende roon sa napagdaanan niyo. Hindi naman kailangan na may kasalanan, pero depende siguro kung paano ‘yung naging relationship niyo noong kayo pa.
“Para ma-justify mo na puwede ulit, puwede kong i-try ulit with this someone. Pero kung sobrang bigat ng pinagdaanan, parang mahirap na,” giit pa ni Carlo.
Ang How To Move On in 30 Days ay unang collaboration ng ABS-CBN at YouTube mula sa produksiyon ng Dreamscape Entertainment at mapapanood na simula sa April 4.
Kasama rin sa series na ito sina Phoemela Baranda, John Lapus, Albie Casino, Jai Agpangan, Sachzna Laparan, Kyo Quijano, Sherry Lara, Poppert Bernadas, Hamie Harrar, Elyson de Dios, at James Bello, sa direksiyon nina Benedict Mique at Dick Lindayag.