MATABIL
ni John Fontanilla
SALUDO ang teen actor at tinaguriang Supremo na si Klinton Start sa husay makisama at umarte ng former child star at ngayo’y teenager na si Zaijian Jaranilla na nakatrabaho nito sa inaabangang teleserye ng Kapamilya Network, ang The Broken Marriage Vow.
Ginagampanan ni Klinton ang role ni Macky, ang kontrabida sa buhay ni Gio (Zaijian). First time ni Klinton na gumanap bilang kontrabida kaya naman very challenging ito para sa kanya. Halos karamihan kasi ng nagawa niyang acting projects ay mabait ang role na kanyang ginagampanan.
Malaking tulong ang pagiging napakahusay umarte ni Zaijian dahil nadadala siya nito para mas maging mahusay sa role na kanyang ginagampanan. Bukod sa mahusay itong makisama sa mga baguhang artista katulad niya.
Makakasama nina Klinton at Zaiian sa The Broken Marriage Vow sina Zanjoe Marudo, Jodi Sta Maria, Sue Ramirez, Francis Grey atbp. na idinirehe nina Andoy Ranay at Connie Macatuno .