PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
MARAMI ang naiintriga kung nagkakamabutihan na nga ba ang Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 ex-housemates na sina Alexa Ilacad at Eian Rances dahil na rin sa kanilang sweet na palitan ng messages at posts sa social media.
Sa kanyang Instagram ay nag-post ng sweet na pagbati si Eian para kay Alexa sa pagsapit ng Bagong Taon.
“The last months have been a roller coaster ride, but all worth it kasi andun ka. Thank you for being you. Happy New Year @alexailacad,” ayon sa caption ng IG post ni Eian.
Nag-reply naman si Alexa sa comment section ng, “Happy New Year sa inyo ni Gifu.”
Bago ito, may paunang sweet gesture na si Eian nang padalhan niya ng roses si Alexa.
Sa IG stories ni Alexa, ibinahagi ng aktres ang photo ng pink at red roses na ipinadala ni Eian kasama ang sweet note na: “Maglalakbay patungo sa kung saan, kahit walang kasiguraduhan, dala-dala ang napagkasunduan, na tayo lang ang may alam.”
Nagpasalamat naman si Alexa sa sweet gesture ni Eian.
Naging close ang dalawa noong nasa loob pa sila ng Bahay ni Kuya, na inamin ni Eian na crush niya si Alexa. Pero nagkaroon sila ng misunderstanding nang hindi na magustuhan ni Eian ang pagiging sobrang clingy ni Alexa. Pero later on ay nagkaayos din sila.