SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAPAMILYA na nga si Lovi Poe at magsasama sila ni Piolo Pascual sa isang Korean drama remake na Flower of Evil.
Sa pagpirma ng kontrata ng award winning actress at tinaguriang precious jewel sa ABS-CBN kahapon, naikuwento nito ang ukol sa pagsasamahan nilang proyekto Piolo at hindi napigil na ipakita ang kilig.
Ani Lovi, “Iba ‘yung naramdaman (sa project) ko, I’m so excited lalo na noong sabihing si Piolo ang makakasama ko. Ang unang pumasok sa isip ko ay iyong scene na nasa loob siya ng pool na nalulunod siya at tumalon ako (para sagipin).
‘Oh my God it’s a dream come true. It’s such a beautiful show, thank you ABS-CBN sa pagtitiwala sa akin na makasama si Piolo at magawa ito kaya maraming-maraming salamat,” giit ni Lovi.
Enggrande ang pa-red carpet welcome kay Lovi sa mismong ABS-CBN compound na sinalubong nina ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, COO of broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN group CFO Rick Tan, at Dreamscape Entertainment head Deo Endrinal. Dumalo rin sa contract signing ceremony ni Lovi ang talent manager niyang si Leo Dominguez.
Subok na ang pambihirang ganda at talento ni Lovi sa iba’t ibang projects, mapa-pelikula o telebisyon hanggang sa modeling at pagiging recording artist. Kaya naman masasaksihan ang iba’t ibang talento ni Lovi sa ABS-CBN na gumagawa ng mga palabas, pelikula, musika, digital show, at concert sa TV at sa digital.
Sa 15 taon niya sa industriya, nagwagi na si Lovi ng Best Actress trophies mula sa FAMAS Awards at Cinemalaya Independent Film Festival. Maituturing ding fashion at style icon si Lovi dahil sa pagiging suki niya sa maraming magazine covers sa loob at labas ng bansa. Isa rin siya sa pinaka-pinagkakatiwalaang brand endorsers sa bansa na may higit sa 11 milyong followers sa personal social media pages niya.
Sa pagtuloy niya bilang isang Kapamilya sa bagong kabanata ng kanyang career, mas marami ring international projects ang gagawin ni Lovi.
Ngayong taon, inilunsad ni Lovi ang recording career niya sa US at naglabas ng mga awiting Candy, Lost, at Under sa ilalim ng VIM Entertainment sa Los Angeles. Malapit na rin niyang i-release ang EP niya sa tulong ng American producers na sina Bob Robinson, KrisKeyz, at Grammy winner na si Omen.
Bibida rin si Lovi sa unang Hollywood movie niya kasama ang British stars na sina Alex Pettyfer at Poppy Delevingne, ang The Chelsea Cowboy na gaganap siya bilang ang English singer at icon na si Dana Gillespie.