NAGWAKAS ang buhay ng isang lalaking sinabing notoryus na tulak matapos pumalag at manlaban sa pulisya sa isang buy bust operation sa San Jose Del Monte City, Bulacan bago ang magpalit ng taon.
Ayon sa pulisya, dakong 8:30 pm ay aarestohin si Elpidio Dykee ngunit nakipagbarilan sa mga pulis sa Skyline Village, Brgy. Sto. Cristo hanggang mapaslang.
Bago nakatakas ay nahuli din ng mga operatiba ang kasabuwat nito sa pagkakalat ng ilegal na droga sa naturang lungsod na kinilalang si German Baltazar.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .38 baril at mga bala.
Nasa siyam namang suspek na sangkot din sa droga ang inaresto sa magkakasunod na anti-illegal drug operations sa Baliwag, Malolos, Meycauayan City at San Jose Del Monte City.
Ayon sa Bulacan Police Provincial Office, umabot sa 31 selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa magkakasunod na operasyon.
(MICKA BAUTISTA)