Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nagpaparamdam na sa mga Duterte

KUNG hindi mapapunta ang ninang sa binyag, dalhin ang binyag sa ninang.

Mukhang iyan ang napag-isip ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco nang muli niyang pabinyagan ang kanyang bunsong anak na si Sara sa Davao City nang sa gayon ay makadalo ang ninang nitong si Davao City Mayor Inday Sara Duterte. 

Noong una kasing magpabinyag nang bonggang-bongga si Velasco sa five-star na Makati Shangri-La Manila, nitong nakaraang buwan, mukhang inisnab ng ninang na si Mayor Sara ang okasyon, gayong nakadalo naman ang ama na si Pangulong Duterte.

Pero iba siyempre ang ninang kaya’t para feeling close ulit, nagpabinyag muli si Velasco sa Archbishop’s Palace sa Davao City nitong 19 Oktubre para tiyak nang makadalo si Mayor Sara. 

Tila kinabahan si Velasco dahil mukhang nakalimutan na ‘ata siya ng pamilyang Duterte at ang napagkasunduang term-sharing sa pagiging speaker sa kongreso sa pagitan nila ni Speaker Alan Peter Cayetano. 

Napabalita pang nagkaroon sila ng tampuhan ni Mayor Sara matapos na si Taguig congressman  at dating senator Alan Peter Cayetano ang mahalal na Speaker sa Kamara.

Ayaw daw kasi ni Mayor Sara ang term-sharing agreement, pero tulad nga ng nangyari, si Cayetano ang napili ng mga kapwa kongresista na unang maupo bilang Speaker pagbukas ng 18th Congress noong Hulyo. 

Para feeling close ulit at maipaalala ang kasunduang term-sharing na binasbasan noon ng Pangulong Duterte, eto na naman si Velasco na ginagamit ang kanyang maluluhong paraan para maipakita sa publikong malapit siya sa mga Duterte.

‘Di birong milyon-milyon ang nagastos ni Velasco sa unang binyag sa Makati Shangri-La, pero ano nga ba naman ang ilang milyones para maulit ang okasyon at maipakita sa madla na close silang muli ng kanyang political patron na si Mayor Sara. 

Nagpa-panic nga ba si Velasco matapos mapatunayan ni Cayetano na karapat-dapat siyang maging Speaker dahil sa ipinakitang gilas sa unang dalawang buwan pa lamang ng kanyang pagkakaupo sa puwesto?

Kita ‘nyo naman, dalawang buwan pa lang na pagiging Speaker, nakapagtala na si Cayetano ng pinakamataas na rating kompara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Ang trust rating ni Cayetano na 62% at approval rating na 64% ay masasabing record-high na ratings. Mas mataas pa ang ratings ni Cayetano kay Vice President Leni Robredo. Ngayon lang nangyari ito. 

Bukod diyan, umani ng papuri si Cayetano mula sa mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahen ng Kamara sa publiko. 

Tuwang-tuwa at ipinagmalaki ng mga kapwa niya lider sa Kongreso, tulad nina House Majority Leader Martin Romualdez at Deputy Speaker LRay Villafuerte, ang magandang rating ni Cayetano. Hindi nga naman makakukuha ng mataas na rating ang Speaker kung hindi inire­respeto at kinikilala ng publiko ang accomplish­ments ng Kamara. 

Tila nakalimutan nang lahat ang term-sharing, lalo pa nga’t nito lang nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na wala na itong kinalaman sa napagkasunduan dahil ‘ika nga ni presidential spokesperson Salvador Panelo, nagmungkahi lang naman noon ng solusyon ang Pangulong Duterte at hahayaan na lang ang mga kongresistang magpasya kung itutuloy pa ba ang kasunduan.

Dapat ay tantanan na ni Velasco ang style niyang magpalakas sa mga Duterte. Mukhang wa epek na. Matuto siya sa ginagawa ngayon ni Cayetano na nagsisipag, nagtatrabaho nang mabuti at nagsisilbing magandang ehemplo sa mga kapwa niya kongresista.

Tularan niya si Cayetano na sa loob lamang ng dalawang buwan ay nagabayan ang Kamara na maipasa agad ang national budget, at ang iba pang mahahalagang panukalang batas na itinutulak ng Pangulong Duterte.

Ito  ang napapansin ng publiko, hindi iyang mga maluluhong paraan para maipakita ang pagpapahalaga sa padrino mo. 

 

ANG TUNAY
NA PANALO AT TUNAY
NA SINUNGALING

SA PAGLABAS ng ulat sa protesta ng natalong kandidatong si Bongbong Marcos laban kay Bise Presidente Leni Robredo, dalawang bagay ang ating napatunayan:

Una, walang duda ang pagkapanalo ni VP Robredo noong halalan ng 2016;

At pangalawa, malinaw na bihasa talaga sa pagsisinungaling ang mga Marcos.

Nakahinga nang maluwag ang kampo ni VP Leni matapos ilabas ng Korte Suprema, na umuupong Presidential Electoral Tribunal, ang ulat ng recount sa tatlong pilot provinces — Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental — na napili ng talunang kandindatong si Bongbong Marcos sa kaniyang protesta.

Sa ulat na inilabas ng PET, lalo pang napa­tunayan na talagang nanalo si VP Robredo noong 2016 at pumalo pa sa higit 15,000 ang botong nakuha niya matapos ang recount sa tatlong probinsiya na itinuturing na baluwarte ni Robredo at ng kaniyang partido.

Naglabasan naman muli ang dating panayam ni Marcos at ng kaniyang abogadong si Vic Rodriguez na pinasisinungalingan ang 15,000 botong lamang ni VP Leni.

At matapos lumabas ang ulat, tinawag ng kampo ni Bongbong na “fake victory” daw ang pagkapanalo ni VP Leni.

Hindi ba’t ito ang tipikal na sagot ng mga pikon at talunan?

Pero gaya nga ng hirit ni VP Leni, ilang panalo ba ang kailangan para matanggap ni Bongbong na siya ay natalo sa halalan?

Kitang-kita naman sa ulat kung ano ang katotohanan sa resulta ng botohan.

Sa katunayan, parehong representado ang kampo ni Bongbong at VP Leni, pati na rin ang mga representante ng PET, sa naganap na recount kaya hindi maaaring may sarili silang bersiyon ng katotohanan.

Ngunit hindi dito nagtatapos ang pagsubok sa kampo ni VP Robredo. Bago pa man isina­publiko ng Korte Suprema ang ulat ng recount, mariin nang iginigiit ng kampo ni VP at ilang mga eksperto na isa lamang ang dapat na aksiyon ng PET sa protesta ni Marcos — ibasura ito.

Dahil kung susundin ang sariling panun­tunan ng PET, dapat makabawi nang malaking boto si Marcos sa recount para gumulong ang kaso.

Ngunit kabaliktaran ang nangyari at si VP Robredo pa ang nakarekober ng mahigit 15,000 boto.

Kaya naman isang malaking katanungan kung bakit pinahahaba pa ng mataas na korte ang proseso gayong isa lang naman ang nararapat na desisyon dito sa kasong tatlong taon nang nililitis ng PET.

Kung babalikan nga natin ang mga naunang kasong hinawakan ng PET, pinairal ng PET ang Rule 65 dahil hindi nakabawi nang malaking boto ang nagsampa ng protesta sa isinagawang recount.

Ano naman ang ipinagkaiba ng kaso ni Bongbong dito?

Sa ngayon, patuloy tayong mananalig sa kataas-taasang hukuman sa bansa, na ito ay magdedesisyon nang ayon sa nararapat.

Ngunit patuloy pa rin dapat na maningil ang taongbayan at isigaw na ibasura na ang gawa-gawang protesta ni Bongbong Marcos.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *