PATAY ang vice mayor ng bayan ng Batuan, sa Ticao Island, Masbate habang sugatan ang kanyang pamangkin at personal aide makaraang pagbabarilin ng apat na suspek habang kumakain sa isang karinderya sa Vicente Cruz St., Sampaloc, Maynila, kahapon.
Hindi umabot nang buhay sa UST Hospital, ang biktimang si Charlie Yuson III, 56 anyos, vice mayor ng Batuan, Masbate, dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isinailalim sa operasyon sa nasabing ospital si Alberto Yuson, 23 anyos, pamangkin ng biktima, at Alfredo Pineda, 44 anyos, equipment agent, at residente sa 100 Heroes Del 96, Caloocan City.
Arestado ang apat na suspek, na hindi muna isinapubliko ang pangalan pero ang isa ay sinabing taga-San Fernando, Ticao Island, Masbate at sinasabing nakatira sa isang resort na pag-aari ng isang mataas na opisyal ng gobyerno.
Sa panayam kay Barangay Chairman Charlie Yuson, Jr., ng Brgy. 482 Zone 43, kapatid ng biktima, may limang araw na ang kanyang kapatid sa Maynila na tumatayo rin bilang OIC ng kanilang bayan, para bumili ng back hoe.
Gayonman, kinompirma ni Charlie, Jr., may natatanggap nang death threats ang kanyang kapatid at hinala niya, politika ang motibo ng pagpaslang.
“Hindi siguro matanggap ng nakalaban nila na natalo nila kahit gumastos ng milyones,” ayon kay Charlie Jr.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District -Homicide Section, naganap ang insidente dakong 8:45 am sa isang karinderya sa 168 Vicente G. Cruz St., Sampaloc, Maynila, habang nag-aalmusal ang biktima kasama ang ilan niyang aide at pamangkin na si Pao-pao.
Naaresto ang mga suspek sa dragnet operation na inilatag matapos ang pamamaril.
Isang barangay chairman ang nakakita sa mga suspek sakay ng van, may plakang ACM 8804 kaya agad ipinaradyo sa nagpapatrolyang kagawad ng MPD Sampaloc Station (Ps4) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Robert Domingo.
Nasukol ang mga suspek lulan ng getaway van sa Pedro Gil St., ng mga kagawad ng MPD PS5 Pedro Gil PCP at ng SWAT. Nakompiska sa mga suspek ang iba’t ibang klaseng long at short firearms.
Kasalukuyang isinasailalim sa interogasyon ang mga suspek.
Siniguro ni MPD Director P/BGen. Vicente Danao, Jr., ang malalimang imbestigasyon at aalamin ang lahat ng anggulo sa ginawang pamamaslang sa alkalde kung ito ay may kaugnayan sa negosyo, personal na galit, sa kanyang trabaho o sa politika.
ni BRIAN BILASANO