NAKAHUBAD at puno ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang ginang nang matagpuan sa loob ng kaniyang bahay sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, dakong 7:30 pm nang madiskubre ang walang buhay at hubad na katawan ni Florinda De Villion, 42 anyos, ng kanyang amang si Benjamin, na naliligo sa sariling dugo sa loob ng kanyang bahay sa #107 Laon-Laan St., Brgy. 31 matapos ihatid ang kanyang apo sa bahay ng kanyang nanay.
Nabatid na mag-isa ang biktima sa kanilang bahay nang maganap ang insidente dahil pumasok sa trabaho ang kanyang live-in partner na si Abe Pecayo habang nasa paaralan ang kanilang anak.
Kasunod nito, dakong 2:00 am kahapon, nasakote sa follow-up operation sa Libertad St., Pasay City, ng mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2 sa pangunguna ni P/Capt. Herson Manegdeg si Jay-Ar Malano, kapitbahay ng biktima.
Inamin ng suspek ang krimen ngunit itinangging ginahasa niya ang biktima at ayon sa kanya kalalabas sa banyo ng ginang at nakatapis ng tuwalya nang pasukin niya sa bahay dakong 10:00 am nitong Lunes.
“Parang nademonyo lang ako, may bumubulong kasi sa akin na tuluyan ko na kaya nagawa ko ang krimen,” pahayag ni Malano sa pulisya.
Sa pahayag ni Capt. Manegdeg, narinig umano ng mga kapitbahay na nagkakagulo sa bahay ng biktima at nagmamakaawa umanong huwag siyang patayin ngunit walang nakapansin kung paanong nakapasok at lumabas ng bahay ang suspek.
Isang saksi ang lumutang at sinabing nakitang may mga sugat ang kamay ng suspek habang bumibili ng adhesive bandage sa kalapit na tindahan ilang sandali matapos ang kaguluhan sa bahay ng biktima na nagresulta sa pagdakip kay Malano.
Dagdag ng pulisya, malabong pagnanakaw ang motibo sa insidente dahil walang nawala sa mga personal na gamit at walang sapilitang pagpasok sa bahay ni De Villion.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang hawakan ng isang kutsilyo pero wala na ang patalim na posibleng ginamit sa krimen.
(ROMMEL SALES)