NAGPAPAGALING na si presidential daughter Veronica “Kitty” Duterte sa sakit na dengue.
Ito ang nabatid kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Aniya, batay sa nakuha niyang impormasyon sa ina ni Kitty at longtime partner ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña, nagpapagaling na ang 15-anyos na presidential daughter.
Kamakalawa ay binista ng Punong Ehekutibo sa ospital si Kitty, batay sa instagram post ng presidential daughter ay makikitang nakaupo siya sa hospital bed at kitang nasa likuran niya si Pangulong Duterte.
Nilagyan pa niya ang linyang “with daddy shark” ang nasabing video.
Matatandaang kinompirma ni Senador Chrsitopher “Bong” Go na nagkasakit nga ng dengue si Kitty.
Ito ay kahit pa isa siya sa mga naturukan noon ng kontrobersiyal na dengue vaccine na Dengvaxia.
Una na rin sinabi ni Pangulong Duterte na nagmamadali siyang umuwi mula sa Russia dahil nga nagkasakit ang kanyang bunsong anak.
(ROSE NOVENARIO)