BACOLOD CITY—Napanatili nina Neil Vincent Cena ng Bacolod City at Johnmari Josef Lu ng Zamboanga City ang pagsalo sa liderato sa pagpapatuloy ng 2019 National Youth and Schools Chess Championships-Visayas leg na ginanap sa 4th floor Metro Lobby, Ayala Malls Capitol Central, Bacolod City nitong weekend.
Giniba ni Cena si Karl Patrick Bardinas ng San Enrique, Negros Occidental matapos ang 54 moves ng Queens Pawn Game habang angat naman si Lu kay Tyrone Dale Yao ng Bacolod City matapos ang 42 moves ng Slav defense.
Kapwa sila nakalikom ng tig 3.0 points mula sa tatlong panalo sa Under 15 mixed (boys and girls) division sa two-day National Chess Federation of the Philippines sanctioned tournament na magkatuwang na inorganisa nina Ernie at Stella Mar Abanco ng Abanco Realty.
Una dito ay kinailangan munang talunin ni Cena sina Eon Luyeth Ciocon at Karl Albert Alvaran ng Bacolod City habang pinadapa naman ni Lu sina Mizpah Fundador ng Dumaguete City at Erich Singson ng La Castellana, Negros Occidental.
Nagpakitang-gilas din si Checy Aliena Telesforo ng Iloilo matapos makipaghatian ng puntos kay Lawrence Anthony Paradela ng Cebu matapos ang 60 moves ng English Opening para mahawakan ang solo third spot na may 2.5 points.
Sa pahayag kahapon ni Tournament Director International Arbiter/National Master Wilfredo Neri na ang pagdaos ng National Executive Chess Championships-Bacolod City Qualifying leg ay tuloy na tuloy na sa pagsambulat ngayong Linggo dito sa Ayala Mall Capitol Central, Gatuslao Street, Bacolod City, Negros Occidental.
Kabilang sa mga naunang nagpatala ay sina seven-times Philippine Executive grand prix champion, Dr. Jenny Mayor, Dr. Alfred Paez, Atty. Cliburn Anthony Orbe, MVP Olympics PLDT Team Manager Martin “Binky” Gaticales, banker Emmanuel Asi, Eric Abanco, Adelaide Joie Lim, Theseus Benitez, Engr. Annie Montales, Engr.Alex Aquio, Engr. John Manual, Atty. Alex Abastillas at Atty. Victor Tanoso. (Marlon Bernardino)