UMAPELA ang City Council at ang mga residente ng Iloilo sa Panay Electric Company (PECO) na tanggapin na ang katotohanan na hindi na ire-renew ng Kongreso ang kanilang prankisa.
Hayaan na nila ang maayos na paglilipat ng operasyon sa bagong distribution utility sa ngalan na rin ng consumers na matagal nang nagtitiis sa kanilang palpak na serbisyo.
“Enough is enough, Mr. PECO. The people have spoken. Congress has spoken. Kayo lang ang hindi nakikinig e. Tama na, napagbigyan naman na kayo nang halos isang siglo,” pahayag ni Iloilo City Council Joshua Alim.
Ayon kay Alim ngayong araw ng Lunes, 26 Nobyembre ay nakatakdang magbigay ng briefing ang More Power and Electric Company sa konseho para malaman ng lokal na pamahalaan ang mga gagawin nitong hakbang upang masiguro na hindi maaantala ang supply ng koryenye sa oras na magkaroon ng takeover sa operasyon.
Ani Alim, tiwala rin sila sa nauna nang pangako ng More Power na pagagandahin ang serbisyo ng koryente na matagal na nilang ikinadedesmaya sa PECO bukod pa sa pabababain ang singil sa koryente.
Ito ay matapos makompirma sa isinagawang pag-aaral na ang Iloilo City ang may pinakamahal na singil sa koryente sa buong bansa.
Sinabi ng mga residente, sa matagal na panahon ay isinantabi lamang ng PECO ang kanilang mga hinaing sa pag-aakalang walang katapusan ang kanilang prankisa.
Ngayong hindi na ito hawak ng PECO at nailipat na sa More Power ay umaasa silang maluwag nang tatanggapin ng dating service provider ang katotohanan na tapos na ang kanilang paghahari.
“Ilonggos have given PECO all the chances in the past 95 years to improve its services, but it ignored consumer complaints. Despite constant criticisms aired on radio, despite many complaints about the bad quality of its service, and despite frequent power outages, PECO has done nothing to be a better service provider. The complaints appear to be all for naught. It has no heart for consumers, it has no concern for providing good service,” mariing pahayag ni Alim.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa 1,800 reklamo mula sa consumers ang nakabinbin laban sa PECO kasama rito ang overbilling na isinampa ng residenteng sina Hazel Fernandez at Mildred Jaromahum na kapwa tumaas nang halos 1000% ang bill sa koryente.
Ganito rin ang karanasan ng radio station sa lalawigan na Aksyon Radyo Iloilo at Love Radio Iloilo na umabot sa P180,000 ang singil sa koryente mula sa dating P8,000 kahit 15 araw nakatigil ang kanilang operasyon noong 2017 nang masira ang kanilang transmitter.
Gaya sa ibang kaso ng overbilling, pinagbabayad din umano ang Love Radio sa koryenteng hindi naman nila nakonsumo sa pamamagitan ng instalment basis ngunit inalmahan ito at naghain ng reklamo.
Sa 18 Enero 2019, magtatapos ang prankisa ng PECO na ang renewal application ay nanatiling nakabinbin sa House Committee on Legislative Franchises.
Una nang sinabi ng negosyanteng si Enrique Razon na siyang nasa likod ng More Power na P2 bilyon ang kanilang ilalaang investments para mapabuti ang serbisyo ng supply ng koryente sa Iloilo.
Aniya, ang lumang mga pasilidad ang dahilan kung bakit nananatiling mataas ang singil ng PECO at kanila itong gagawing makabago at moderno upang wala nang brownout at maging mababa ang singil sa koryente.
HATAW News Team