WALANG kahirap-hirap, mahigit tatlong minuto lang, kompirmado agad si Senator Alan Peter Cayetano bilang bagong Secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sabi nga ni Senator Panfilo “Ping” Lacson bilang CA Committee on Foreign Affairs, ito ang pinakamabilis at pinamaikling appointment hearing para sa isang Cabinet secretary.
Walang tumutol at sabi nga ‘e unanimously agreed kahit ang opo-sisyong si Mega Senator Kiko Pangilinan.
Iba talaga kapag gusto ‘di ba, maraming paraan…pero pag ayaw ang daming tsetse-buretse at dahilan gaya ng nangyari kay Gina Lopez?!
Anyway, kilala naman natin kung paano magtrabaho ang kakokompirmang si Foreign Secretary Alan Peter Cayetano — diligent. Konting charisma pa at konting kontrol lang sa pagsasalita, e makakabilang na siya sa mahuhusay na presidential contender.
Ooopppsss… sariling basa lang po ng inyong lingkod ‘yan, huwag naman ninyong sakyan agad dahil magtatatrabaho muna siya bilang bagong DFA.
Mayroon lang tayong ilang concern sa bagong kalihim ng DFA lalo’t nag-aalboroto ang overseas Filipino workers (OFWs) at ang kanilang mga pamilya sa pagtrato sa kanila sa kasalukuyang sistema.
Una, ibaba ang presyo ng bayarin sa pagkuha ng passport ng isang OFW. Sa kasalukuyan umaabot sa P900 hanggang P1,200 ang binabayaran ng isang aplikanteng OFW sa DFA hindi pa kasama riyan kung kanyang ipado-door to door.
Napakagandang legacy ng Duterte administration kung maibaba ang bayad sa pasaporte ng isang OFW, ‘di ba mga DDS?
Ikalawa, pabilisin ang proseso ng appointment at pag-iisyu ng passport.
Alam ng lahat na napakahirap kumuha ng online appointment ngayon sa pagkuha ng passport. Tatlong buwan ang pinakamaagang appointment na makukuha ng isang aplikante sa online.
Kaya nga maraming OFW ngayon ang nababalewala ang nakukuhang job order at kontrata dahil hindi ganoon kabilis na nakakukuha ng passport.
Kung hindi kayang babaan agad ang presyo, sana ay bigyan ng espesyal na konsiderasyon ang mga OFW lalo na ‘yung kailangang-kailangan ng passport.
Uulitin lang natin, kapag gusto, maraming paraan, kaya hindi ‘himala’ kung mangyari man ‘yan.
At ang importante sa lahat, sana’y huwag mahawakan sa ilong ng APO-UGEC ang ilong ni Secretary Alan Peter.
Ayaw naman natin hamunin si Secretary Alan na sana’y unahin niyang ibalik sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pag-iimprenta ng passport.
Pero sana, dahil mainit at malaking isyu ito, upuan sana ni Secretary ang kasong ito para basahin, pag-aralan, repasohin at desisyonan kung ano ang karapat-dapat at nararapat…
Panatilihin kaya sa UGEC, na sinabing pag-aari ng isang malaki at maimpluwensiyang negos-yante, o ibalik sa BSP ang pag-iimprenta ng pasaporte?!
Senator Alan, unang kaso po iyan na kailangan ninyong gamitan ng Solomonic decision!
Sana’y hindi mabigo ang sambayanan.
MAY MALAKING ESKANDALONG SASABOG SA BI?! (NA NAMAN!?)
May isang issue raw ngayon ang kumakalat na malapit nang sumabog tungkol sa isang malaking transaksiyon na involved ang ilang matataas na officials sa Bureau of Immigration (BI).
Sonabagan! Na naman!?
Hindi pa nga nakarerekober ang Immigration sa eskandalong bribery/extortion na ginawa ng dalawang associate commissioner ‘e may bagong anomalya na naman ang puputok?!
Kasalukuyang nanggagalaiti umano sa galit ang isang kilalang personalidad na very close kay Pangulong Duterte dahil nalaman niya na bigla raw “nag-disappearing act” sa bansa ang ipina-watchlist niyang banyaga (Koreano).
Ang latest info na narinig natin ay naitsutsu na raw niya ang isyung ito sa ating Pangulo.
Very prominent ang nasabing subject dahil noon pa raw ay marami nang nagtangka na ma-lift ang watchlist nito dahil sa pagiging ‘fugitive!’
But since, na alam ng nakararami na heavy-gat ang complainant kaya naman kahit very juicy ang offer na umabot yata sa ‘20 mansanas’ ay andap umano ang ilang higher officials sa Bureau of Immigration na pakialaman ang kaso.
But suddenly, biglang nag-iba raw ang ihip ng hangin!
Bigla na lang nabukelya na wala na pala ang subject na Korean fugitive.
Tuluyan na palang nakalabas ng bansa ang naka-watchlist na inireklamo, bitbit ang kuwento na NATAKASAN ‘na naman’ SILA!
Wattafak!?
Noong kasalukuyang dinidinig ang kaso sa weekly meeting ng “board” ay desentonado raw ang pagkanta ng isang feeling self-righteous na BI official?!
Dati na talagang desentonado kung kumanta?!
Omeyged!
Kaya naman pala atat na atat umano sa kadedepensa ay may hidden agenda pala!
Sa ngayon ay nagbabanta raw ang babaeng very close kay PD30 na “heads will roll” dahil sa nangyaring takasan at palusutan!
Sino ba kasi ang very famous DDS celebrity na naggagalaiti sa galit?
Bahala na kayong mag-isip!
Ayoko maging “whistleblower” ‘no!
MARAMI PANG ILLEGAL NA SUGAL
KA JERRY, ipinahuli ng GAB ang illegal bookies sa Maynila, pero bakit isa lang? Ang dami nyan sa Manila, Pasay, Caloocan, Malabon, Valenzuela. Sakla nagkalat sa Tondo. Santambak rin ang video karera. Lahat dapat hulihin!
+63915877 – – – –
BULOK TALAGA ANG KOLIN AIRCON
GOOD pm sir Jerry, nakabili rin ho ako ng Kolin aircon. Sakit ng ulo talaga. Bulok ang service center nila. Mapapamura kang talaga. Gusto ko lng malaman ng mambabasa n’yo na wag magkamaling bumili ng Kolin aircon. Salamat po.
+639069288 – – – –
KOTONG FREE MANILA TRAFFIC ENFORCER
SIR, sabi ni Mayor Erap drug free na raw mga traffic enforcer sa Maynila. Pero sana, kotong free rin cla!
+63918550 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN ni Jerry Yap
About Jerry Yap
Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)