#RESPECT ang hashtag ngayon. Respeto ang hinihingi ng mga nagmamalasakit kay Mother Lily Monteverde na producer ng Mano Po 7 Chinoy sa pambabastos ng isang indie starlet.
Dapat ay irespeto at ‘wag maging bastos ang starlet sa isang institusyon. Si Mother Lily ay malaki ang naiambag sa industriya at maraming nagawang big stars dahil sa Regal Films. Pero ang starlet na ito, wala pang napatutunayan at ano ang naging kontribusyon niya sa movie industry?
Respeto rin ang hiningi ni Vic Sotto sa Metro Manila Film Festival sa screening committee.
Deklara ni Bossing sa presscon ng Enteng Kabisote 10 and the Abangers, ”Ako naniniwala ako sa salitang respeto. Respetado ko ang bawat panlasa ng ibang tao. Kasi nirerespeto ko ang panlasa ng Screening Committee. I don’t have anything personal against them, pero para sa akin nirerespeto ko ang panlasa nila na ganito, ang panlasa nila ay ganoon.
“Pero ‘pag dumarating ang Pasko, tayong mga Pinoy may panlasa minsan may pagkakaisa. Alam nating lahat na pagdating ng Pasko inaabangan ito ng buong pamilya na alam natin kung ano ang inaabangan ng mga bata. Ito ‘yung panahon lalo na sa first few days na ang nakapipili ay mga bata. Once a year nagkakaroon sila ng sarili nilang pera galing sa mga ninong at mga ninang.
“Ang masakit lang para sa akin, hindi nila nirespeto ‘yung panlasa niyong manonood ng pelikulang Pilipino.Nirerespeto ko ‘yung mga pelikulang kasama sa festival ngayon. Pero sana man lang nagsama sila ng puwedeng panoorin ng mga bata. Sabi nga nila ang kanilang desisyon ay final and unanimous, I respect that. Pero sana lang, nirespeto ng komite ‘yung panlasa ng Pinoy.Huwag mong isubo sa amin ‘yung hindi namin gustong kainin pagdating ng noche buena. ‘Yung sa amin spaghetti lang, pero masaya na ang buong pamilya, lalo na ang mga bata. Roon lang naman ako nalulungkot eh.”
Showing na sa November 30 ang Enteng Kabisote 10 and the Abangers.
TALBOG – Roldan Castro