NADISKUBRE ng mga awtoridad ang tinatayang P89.1 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga mula sa 12 abandonadong parsela sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Biyernes.
Ayon sa ulat, ilang buwan nang nakatengga sa CMEC ang mga parsela bago isinalang sa inspeksiyon ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) gamit ang cargo X-ray screening.
Kasunod nito, mano-manong sinuri sa pamamagitan ng K9 sniffing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagkompirmang may laman na hinihinalang droga ang mga parsela.
Nakuha mula sa mga parsela ang kabuuang 15,036 gramo ng shabu, Marijuana Kush at puting mala-kristal na substansiyang hinihinalang ketamine.
Nakapangalan ang mga parsela sa iba’t ibang indibiduwal na na may address sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Sa iba pang detalye, nagmula ang mga Padala sa Thailand, India, United States, at The Netherlands.
Ang operasyon ay isinagawa ng Ninoy Aquino International Airport-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at Philippine National Police Aviation Security Group.
