INARESTO ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong rape sa bayan ng Angat, lalawian ng Bulacan nitong Sabado, 7 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala ni P/Maj. Joel Alba, hepe ng Angat MPS, kay P/Col. Jay Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, dakong 4:50 ng hapon nang nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Angat MPS, katuwang ang Sta. Elena MPS ng Camarines Norte PPO, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 34-anyos akusado, isang construction worker, at nagtatago sa Brgy. Niugan, sa nabanggit na bayan.
Nakatala ang suspek bilang no. 8 municipal most wanted person sa Camarines Norte dahil sa kasong rape.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Labo, Camarines Norte RTC Branch 64, may petsang 23 Hulyo 2026, para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Matapos maaresto, isinailalim sa kustodiya ng Sta. Elena MPS, Camarines Norte PPO ang naarestong suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagproseso bago iharap sa hukom na nagpalabas ng warrant of arrest. (MICKA BAUTISTA)
