HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang senior citizen na motorcycle rider nang masagasaan ng isang Toyota Prado na minamaneho ng dating alkalde ng Pulilan, Bulacan, kinilalang si Maria Rosario “Maritz” Ochoa-Montejo.
Ssa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa Esguerra St., Barangay Peñabatan, Pulilan, Bulacan.
Nabatid sa imbestigasyon, bumangga ang motorsiklong minamaneho ng biktimang kinilalang si alyas Jeffrey sa likurang bahagi ng isa pang motorsiklong Honda Click na minamaneho ng isang alyas Miguel.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon sa kalsada si Jeffrey at dito siya nasagasaan ng Toyota Prado na minamaneho ni dating Mayor Montejo.
Agad na isinugod ang biktima sa Bulacan Medical Center sa Malolos, pero idineklarang dead on arrival.
Sa ulat ni Central Luzon Police Director Brigadier General Jess Mendez, nabatid na nagkasundo ang pamilya ng biktima na huwag nang magsampa ng kaso at piniling ayusin ang usapin sa pamamagitan ng pagtanggap sa alok ng dating alkalde.
